Ni: Assoc.Prof. Louie C. Montemar
Halalang pambarangay na kandidato! Paano kung ganito ang talumpati ng isang tumatakbo sa inyong lugar?
Bakit ako tumatakbo? Bakit nga ba ako narito? Ewan ko ba. Kahapon nagtitinda lamang ako diyan sa kanto ng isaw. Ang totoo, nakakatuwang isipin na maaari pala akong maging opisyal ng gobyerno. Nahila kasi ako nitong si Kumpareng Chairman. Hello Kap! Sabi niya basta magpatak ako kahit kaunti para sa kampanya, siya na ang bahalang magpunan ng kailangan. Magastos palang tumakbo?
Pero naisip ko, may kaunting matatanggap kami kapag naipwesto. Baka nga hindi lamang kaunti, depende sa mapapag-usapan at pondo ng barangay. Sabi ni Chairman, may tinatawag na SOP sa barangay—Standard Operating Procedure ba ‘yon? Paliwanag ni Kumpareng Chairman, sa bawat proyekto ng barangay, may makukuha kaming mga Kagawad at iba pang opisyal. SOP daw iyon! Ibig sabihin, sigurado. Standard na. Para bang “tradisyon na.” Tiyak ang pera.
Saka koneksiyon, mga kabayan. Makikilala ako sa Munisipyo. Idol na idol ko pa man din si Mayor. Sana maka-selfie ko siya.
Anong gagawin ko kung ako ay manalo? Ang totoo, hindi ko pa napag-isipan iyan. Sabi naman ni Chairman, pag-usapan na lamang kapag naupo na, saka siya na raw bahala. Siya nga nagtalaga na magsalita daw ako tungkol sa Peace and Order. Doon daw ako bagay dahil malaki ako. Kaya ko raw mag-awat ng mga nag-aaway. Pero ewan ko, nakakatakot yata ang ganoon. ‘Di naman sa duwag tayo, pero bakit ko naman basta panghihimasukan ang away ng iba?
Ano ba kasi iyong “plataporma”? May nagtanong sa akin tungkol diyan. Ano nga ba iyon? Basta sabi ni Chairman kapag tinanong uli ako, sabihin ko lang na titiyakin ko na maiiwasan ang pag-aawayan sa barangay. ‘Pag may gulo, basta tatawag ako ng pulis. Iyon, kaya ko iyon! Lagi namang may load ang phone ko.
Bakit dati naman hindi ako tumutulong o aktibo sa barangay? Bakit, sino ba talaga ang tumutulong dito sa barangay? Hindi ba kanya-kanya tayo? Bakit ko pag-aaksayahan ng oras ang iba kung sariling pamilya ko nga ay hindi ko maayos?
Iboboto ba ninyo ang kandidatong ito? Magtanong. Magsuri. Makialam. Bumoto.