CHERRY LIGHT
PATULOY na nakikipag-ugnayan sa Japanese authorities ang Philippine Embassy sa Tokyo para tiyakin na maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga Pilipino na kasalukuyan pang nakasakay sa Diamond Princess Cruise Ship na nakadaong sa Yokohama, Japan.
Kabilang sa mga ipinamamahagi ng embahada para sa mahigit limang daang Pilipinong nakasakay sa cruise ship ay mga pagkain, medisina, mask at iba pang supplies habang isinasailalim pa ang mga ito sa 14 day quarantine kasama ang libu-libo pang mga dayuhang pasahero.
Ayon sa Philippine Embassy ng Tokyo panibagong grupo naman sa sampung katao ng MV Diamond Princess ang nagpositibo sa 2019 nCoV pero bukod sa isang Pinoy seafarer ay wala nang naiulat na nagpositibo pang Filipino sa ikinababahalang virus.
Una nang naiulat na isang pasahero ng barko na galing Hongkong ang unang kinumpirmang may 2019 nCoV ARD.