Humarap sa media ang hepe ng Ozamiz City Police na si Chief Inspector Jovy Espenido sa kauna-unahang pagkakataon matapos maganap ang madugong raid sa bahay nina Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr.
Sa nasabing presscon, inamin ni Espenido na ilang beses na siyang nakipag-usap sa mga Parojinog lalo na kay Ozamiz Councilor Ardot Parojinog, Mayor Reynaldo Parojinog, Sr., Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez at sa nanay nitong si Susan para ipatigil na ang iligal na kalakaran ng droga sa kanilang siyudad ngunit wala ring nangyari.
Pinatunayan din ni Espenido na galing sa lugar ng mga Parojinog ang drogang umiikot sa Ozamiz City pati na sa karatig lugar nito base na rin sa pahayag ng kanilang mga informants.
Sinabi din ni Espenido nakakuha sila ng mga pekeng police uniforms sa bahay ni konsehal Ardot Parojinog na siya aniyang ginagamit nila sa kanilang kidnapping modus.
Kumpiyansa din naman si Espenido na legal at dokumentado at transparent ang kanilang isinagawang raid dahil may kasama itong media na naging witness sa naganap na raid.
Samantala, sinabi din ni Espenido na sinadya nilang patayin ang mga cctv camera sa bahay ng mga Parojinog noong sinalakay nila ito para maproktektahan ang kanyang mga informants sa pagkapapaslang.
Nangyari kasi na nahagip ng cctv footage ang mukha ng dalawang kagawad na tumulong sa isa nilang operasyon na pinapatay umano ng mga Parojinog.
Sa ngayon ay aabot naman sa mahigit dalawandaang loose firearms na isinusuko ng mga mamamayan ng Ozamiz City na ibinigay ng mga Parojinog at patuloy pa itong nadaragdagan araw- araw.
Matapos naman magawaran si Espenido at iba pang police awardees, Miyerkules, sa Kampo Krame ay inilahad naman mismo ni Pangulong Duterte ang kanyang balak na pagpunta sa Ozamiz sa mga susunod na araw para personal na tingnan ang sitwasyon doon.