EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
SIYAM sa 10 Pilipino ay puno ng pag-asa sa pagharap sa bagong taon 2020 base sa survey ng Pulse Asia.
Ayon sa datos ng Pulse Asia 93 percent sa mga Pilipino ay hinaharap ang 2020 na puno ng pagasa habang 7 percent ang undecided; 0.2 percent naman ang nagsasabi na wala nang pag-asa ang bagong taon.
Isinagawa ang survey sa buong bansa mula December 3-8, 2019 ng nasa 1,200 adult respondents.
Ito ay sa kabila ng unos na naranasan ng marami sa ating mga kababayan mula sa kalamidad, kahirapan at kawalan ng oportunidad sa bansa.
Kung kalamidad ang pag-uusapan hindi natinag ang mga Pilipino sa malalakas na bagyo at lindol na naranasan ng bansa nitong 2019.
Nariyan ang bagyong Tisoy at Ursula na nanalasa sa Luzon at Visayas. Habang malalakas na serye ng lindol naman ang yumanig sa Mindanao mula buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.
Gayunpaman, nanatili ang katatagan ng mga Pilipino na kayang harapin ang anumang unos sa buhay at muling bumangon.
Isa rin sa nagbibigay pag-asa sa marami sa ating mga kababayan ang maternity benefits ng Social Security System na papalo sa P70,000 pagsapit ng Enero 2020.
Idagdag pa dito ang pagbibigay ng batas ng benepisyo sa lahat ng mga nanay na nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sektor ng 105 days of paid maternity leave at pitong araw na transferrable sa mga tatay.
Malaking tulong na rin ang mga ito sa mga kababayan natin na hindi sapat ang ipon.
Isa rin sa nagbibigay ng pag-asa sa marami ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala dapat ikatakot ang mga Pilipino sa paglalakad sa kalsada dahil handa ang gobyerno magbigay ng proteksiyon sa lahat. Dapat ang mga lumalabag sa batas ang takot na maglakad sa kalsada at hindi ang mga law abiding citizens, saad nito.
Ayon naman kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo, maraming dahilan para magkaroon ng kumpiyansa ang mga Pilipino sa liderato ni Pangulong Duterte.
Ilan sa ibinidang achievements ng Malakanyang ay ang pagbaba ng insidente ng kahirapan sa bansa. Base sa datos ng Philippine Statistics Authority nasa anim na milyong Pilipino ang naialis sa kahirapan.
Bumaba rin ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa nitong Oktubre at ayon sa PSA, ito na ang pinakamababang insidente sa loob ng 14 na taon.
Ayon sa Malakanyang, marami pang ginagawa ang administrasyon upang maabot ang nais ng gobyerno na mabigyan ang mas maraming Pilipino ng maganda at komportableng pamumuhay sa darating na mga taon.
Nawa’y mas maramdaman nga ang komportableng pamumuhay sa lahat ng bulsa at laman ng tiyan ng ordinaryong Pilipino at matupad ang nais na ito ng gobyerno.
Nawa’y magkaroon na ng pagkakaisa ang mga lider sa bansa mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang mas matutukan ang kapakanan ng taumbayan at hindi ng kanilang mga pansariling interes.
Nawa’y ang bagong taon ay hindi lamang maging puno ng pag-asa kundi maging bagong simula para sa lahat na mabuhay ng malinis, masaya at panatag ang kalooban.
Maligayang Bagong Taon, Pilipinas!