Pinas News
ANG paghahanap ng kumpanyang hahamon sa duopolyo ng Globe Telecom at PLDT-Smart upang mapabuti ang internet connectivity ng bansa ay isa sa mga prayoridad ng pamahalaan. Matapos ang isang bidding na naganap kailan lamang, isang grupong nagngangalang Mislatel ang sinasabing bibigyan ng lisensya gaya ng Globe at Smart. Ang kaso, tila may sabit sa bagay na ito.
Isang Dennis Uy, kasama ang ilan pang negosyante, ay naulat na nag-ambag ng hindi bababa sa 30 milyong piso sa kampanya ni Pangulong Duterte. Ang Udenna Corporation at Chelsea Logistics Holdings Corporation na kapwa pag-aari ni Uy ay nakisosyo sa lokal na kumpanyang Mindanao Islamic Telephone Corporation (Mislatel) at sa China Telecom (isang malaking internet service provider ng Tsina) upang sumali sa bidding para maging ikatlong internet provider sa Pilipinas.
May mga paratang na pinaboran ang Mislatel sa naging proseso ng bidding. Halimbawa na lamang, iniulat ng InfrawatchPH na ang franchise na ginawad ng Kongreso sa Mislatel noong 1998 ay awtomatikong nabawi noong 2003 dahil sa pagkabigo ng grupo na mailista ang sarili sa stock market, isang kondisyon na itinakda para sa pagbibigay ng franchise nito. Dahil dito, hiniling ng InfrawatchPH sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na i-disqualify sana ang Mislatel consortium dahil sa gross misrepresentation sa pagsali nito sa bidding kung gayong di-kumpleto ang mga papeles nito.
Higit pa rito may record ang China Telecom sa pag-misdirect ng internet traffic patungo sa mga server sa mainland ng China. Ibig sabihin nito, posibleng nagagamit ang China Telecom sa paniniktik ng Tsina sa gawain ng ibang bansa. Matinding banta ito sa pambansang seguridad.
Magkaroon na lamang dapat ng bagong bidding. Dagdag pa, bakit nga ba isang bagong provider lamang ang bibigyan ng lisensiya? Buksan pa ang sistema. Hindi ba’t mas maganda kung mas maraming Internet service provider ang lumahok sa telecoms industry ng ating bansa? Hindi ba mas higit na makabubuti ito para sa mga konsumer at industriya na matagal nang umaangal sa kabagalan at hight na mahal —kumpara sa ibang bansa sa Timog Silangang Asya — na Internet connection sa Pilipinas?
Matitiyak lamang ang kalidad ng serbisyo sa lipunan kung may matinong proseso at matinong pamamahala sa proseso. Muling buksan ang proseso at ayusin ito.