MABILIS ang pagtugon sa pasyente gamit ng ‘Mobile Heartbeat’.
Ni: Maureen Simbajon
MALAYO na ang narating ng teknolohiya sa larangan ng medisina na nakapagbibigay ng kaginhawaan sa mga pasyente at mga mahal nito sa buhay. Bukod pa rito, ito ay nakakatulong sa mga propesyonal na mangangalaga ng kalusugan na mas maayos na magampanan ang kanilang tungkulin at mas madaling matugunan ang pangangailangan ng bawat pasyente.
Telemedicine
Isang magandang halimbawa ng teknolohiyang ito ay ang tinatawag na telemedicine. Ang telemedicine ay ang pagsusuri, paggagamot at pagbibigay ng mga serbisyong klinikal sa mga pasyente kahit na sila ay nasa bahay lamang sa pamamagitan ng mga electronic communications at software.
Dalawang taon na ang nakalipas nang bigyang daan ng MyDocNow, na binubuo ng isang dedikadong pangkat ng mga propesyonal sa pangkalusugan at medikal, mga espesyalista sa information technology, at mga kilalang lider sa negosyo, na makilala at magamit ang platapormang telemedicine sa Pilipinas.
Gamit ang isang telemedicine portal, nagbibigay ito ng real-time na karanasan sa mga pasyente, mula sa pagkonsulta sa mga doktor gamit ang video or audio connection, mga komprehensibong pagtuturo sa pasyente kaugnay sa kanilang kalusugan, malayuang pagmamanman gamit ang isang computer, tablet, o smartphone device, at kahit na ang paghatid ng mga reseta, gamot, at mga resulta ng pagsusuri sa lab, at ang pagbisita ng mga doktor o nurse sa bahay ng pasyente sa mga piling lugar sa metro.
Para magamit ito, pumunta sa website ng MyDocNow (www.mydocnow.org), i-click ang “start visit” at didirekta na ito ang pasyente sa pahina ng rehistrasyon at toll-free numbers upang masimulan ang konsultasyon.
Sa kasalukuyan, maaari ring magdownload ng mga telemedicine apps kagaya ng MedGate PH at MyPocketDoctor na maaaring magamit sa anumang oras.
Augmented reality
Mahalaga na mapanga-lagaan nang mabuti ang kahit na sinong pasyente. Hindi maiiwasan na maging sanhi ng stress ang pananatili sa loob ng ospital. Isipin na lamang kung ano ang nagiging epekto nito sa mga batang pasyente.
Salamat sa nagagawa ng teknolohiya, ngayon ay mayroon ng isang bagong app na maaaring makatulong sa pag-alis ng pagkabalisa sa mga ito. Sa pangunguna ng Pediatric Brain Tumor Foundation, lumikha ng isang app na tinatawag na ‘Imaginary Friend Society’ ang isang advertisement agency na RPA.
Gamit ang augmented reality, na pinagsasama ang kung ano ang tunay at kung ano ang likha lamang ng isang computer, nabibig-yang buhay ang mga digital na karakter sa mga silid ng ospital na tumutulong na maturuan ang mga bata na maintindihan ang isang malawak na hanay ng mga komplikadong paksa na may kaugnayan sa kanser, tulad ng radiation, pagkawala ng buhok, pagsasalin ng dugo, chemotherapy, operasyon at iba pa, nang hindi ito natatakot.
Ang Imaginary Friend Society ay tumutulong na labanan ang stress at pagkabalisa sa pamamagitan ng masayang paglilibang at pagtututo gamit ang libreng app na ito na maaaring gamitin sa smartphones, android phones, o touchscreen ng ospital.
“Layunin namin na matulungan ang higit sa 4,600 na mga bata na nasuri na may tumor sa pangunahing utak o central nervous system bawat taon,” pahayag ni Robin Boettcher, presidente at CEO ng Pediatric Brain Tumor Foundation.
Iyan ay labingtatlo na mga bagong kaso kada araw, ayon nito. Sa pamamagitan ng Ima-ginary Friend Society natutulungan ang mga pamilya na maliwanagan sa mahihirap na aspeto ng sakit na ito at higit na mabigyan ang mga batang pasyente ng tiwala at lakas ng loob sa pakikipaglaban dito.
Virtual Reality
Ang virtual reality ay isang makatotohanang three-dimensional na imahe o artipisyal na kapaligiran na nilikha gamit ang isang pinaghalong interactive na hardware at software. Gumagana ito sa isang paraan na nasususpinde ang anumang mga pag-aalinlangan ng gumagamit nito bagkus ay tinatanggap nito ang anumang nakikita o naririnig bilang isang tunay na kapaligiran at pakikipag-ugnayan.
Collaboration Technology
Layunin ng CISCO – isang worldwide lider pagdating sa IT at networking – na makapaghatid ng mga mahahalagang impormasyon nang mas mabilis. Isang halimbawa na rito ay ang Healthcare app na Mobile Heartbeat na isang kasangkapan pangkomunikasyon at kolaborasyon. Gamit ang isang smartphone device tinutulu-ngan nito ang mga propesyunal na mangangalaga na makipag-usap at makipagtulungan sa bawat isa nang mas mahusay at mas mabilis – sa paggawa ng desisyon, pagpapabuti ng pag-aalaga ng pasyente, at pagpapababa ng gastusin.
Nagagawa rin ng mga doktor na maghanap ng mga pasyente sa pamamagitan ng isang direktoryo, at kontakin ang mga kinakaila-ngang tao sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe o pakikipag-chat upang mas madaling mapagtuunan ng pansin ang mga ito.
Sa kasalukuyan, maaari lamang itong gamitin sa bansang Amerika kung saan ito nalikha. Subalit sa patuloy na pag-usbong ng teknolohiya, hindi kabigla-bigla kung ito ay umabot na rin sa iba’t ibang sulok ng daigdig kasali na rito ang Pilipinas.