Ni: Vick Aquino Tanes
Alam n’yo bang may koneksyon ang hirap sa pag-ihi sa pagkakaroon ng altapresyon, karamdaman sa atay at sakit sa puso? Kaya naman kailangang ilabas ang ihi kapag naiihi upang hindi na lumala pa o magkasakit pa.
Ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi o fluid retention ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring maranasan ninuman.
Ang ganitong sakit ay masosolusyonan sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na diuretics na kadalasang inirereseta ng mga doktor.
Ngunit bukod sa mga inireresetang gamot, mayroon din namang mga natural na pagkain at inumin na diuretic na makakatulong sa hirap sa pag-ihi.
BUKO JUICE, Isa sa mabisang gamot sa hirap sa pag-ihi.
Sabaw ng buko
Halos alam na ng lahat na ang pag-inom ng sabaw ng buko ay makalulunas sa hirap sa pag-ihi. Mabisa ang sabaw ng buko sa kondisyon na may koneksyon sa pag-ihi gaya ng UTI at balisawsaw.
Pipino
Ang pipino ay may mabuting epekto din para sa pagsasaayos ng daloy ng ihi. Ayon pa sa mga pag-aaral, ang pipino ay tumutulong na tunawin ang mga namumuong uric acid na nagdudulot naman ng pagkakaroon ng bato sa kidney.
Kape
Ang lahat ng inuming may caffeine ay makatutulong na padaliin ang pag-ihi dahil ang caffeine ay isang uri ng natural na diuretic. Isa sa mga natural at may pinakamataas na mapagkukunan ng caffeine ay ang kape.
Tsaa
Bagaman hindi sintaas ng caffeine sa kape, ang tsaa ay natural ding mapagkukunan ng caffeine nana makatutulong sa kondisyon ng pag-ihi. Napatunayan na rin na ang tsaa ay may taglay na antioxidants na mabuti para sa kalusugan.
May antioxidants na nilalabanan ang nakakasamang ‘free radicals’.
Pakwan
Ang matubig na prutas na pakwan ay kilala rin bilang natural at mabisang diuretic. Mayroon din itong malakas na uri ng antioxidant na nilalabanan ang nakakasamang free radicals.
Pinya
Ang masabaw at masustansyang prutas na pinya ay may epekto rin sa pagpapadali ng pag-ihi. Ito ay natural na diuretic at mayaman sa fiber at ilan pang bitamina na kinakailangan ng katawan. Tumutulong din ito na linisin ang digestive tract.
Lettuce
Ang ilang madahong gulay gaya ng lettuce ay natural na diuretic na mabisa para sa kondisyon ng hirap sa pag-ihi. Bukod sa epektong ito, mayaman din sa mga mahahalagang mineral ang lettuce tulad ng manganese, potassium, iron, calcium at phosphorus.
Bawang
Bukod sa pagiging natural na antibiotic, kilala ang bawang na nakakapagpababa ng presyon ng dugo. Ngunit bukod sa mga ito, ang bawang ay nakatutulong din sa pagpapadali ng pag-ihi. Pinaka-epektibo ito kung kakainin nang hilaw.
Celery
Ang masustansyang gulay na celery o kintsay ay nakatutulong din sa panunumbalik sa normal ng pag-ihi. Mayaman din ito sa Vitamin K, C, B6, at A, bukod pa sa mga mineral gaya ng calcium, phosphorus, magnesium, at manganese.
Citrus fruit
Ang mga citrus fruits gaya ng kalamansi, suha, ponkan, dalanghita at dayap, ay kilala sa pagiging mayaman sa Vitamin C. Ngunit bukod dito, ang mga prutas na ito ay natural din na diuretic.