Binalaan ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat airline operator na mapapatunayang hindi ginamit ng tama ang kanilang slot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa DOTr, maaaring patawan ng mas mahigpit na parusa ang mapapatunayang pasaway na airline operators.
Ito ay matapos lagdaan ng iba’t-ibang aviation agencies ang Joint Memorandum Circular No. 2019-01.
Kabilang sa mga lumagda sina Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco, at Civil Aeronautics Board (CAB) Executive Director Carmelo Arcilla.
Sa ilalim ng kasunduan, target ng mga opisyal na ma-decongest o mabawasan ang siksikan sa NAIA na pangunahin at pinaka-malaking paliparan sa bansa.
Napagkasunduan ng mga opisyal ang pagsuri ng timeslot committee sa resulta ng monitoring ng mga coordinator sa performance ng airline companies.
Maaari namang bawiin o i-suspende ng mga opisyal ang slot allocations ng mga airline companies na sinadyang hindi gamitin ang ibinigay na slots.