Ni: Jun Samason
BAKIT kaya walang katapusan at hindi nauubos ang iligal na droga sa ating bansa, kahit na walang humpay ang mga anti-illegal drug operations na ginagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police at iba pang law agencies tulad ng National Bureau of Investigation?
Ang sinasabi ng mga otoridad ay nakontrol na nila ang mga shabu laboratories dito at ang paniwala nila ay nagmumula pa sa ibang bansa ang supply ng droga dito. Tulad na lang halimbawa nitong nakaraang Linggo ay naharang ng Bureau of Customs sa Clark Freeport Zone ang 17.7 kilos ng shabu na halagang P120.36-million na nagmula pa sa California USA.
Nakakagulat at nakakapagtaka lang na kahit napakasidhi o napakainit ng kampanya ng pamahalaan sa paglaban sa sindikato ay parang bale-wala lang sa iba ang pagtutulak nila ng droga.
Katunayan ay napakarami na ang mga napatay sa oplan tokhang ng PNP pero sige pa rin sila sa pagtutulak, lalo na iyung tinatawag nilang mga street level pushing.
Kamakailan lang din ay naaresto ng Police District Station 7 ang apat na menor de edad na nahulihan nila ng halos dalawang kilo ng marijuana. Ibig sabihin ay maging ang kabataan ay involve na rin sa iligal na droga. Ang medyo naiba lang sa ngayon ay medyo natahimik na ang isyu sa New Bilibid Prisons mula ng nanungkulan bilang Bureau of Corrections Director o sa pambansang piitan si dating PNP Chief, Director General Ronald dela Rosa.
Noong panahon ng kampanya ay nangako si Mayor Rodrigo Duterte na sakaling manalo at mahalal siya bilang pangulo ay tatapusin umano niya sa loob ng anim na buwan ang problema ng bansa sa iligal na droga.
Pero noong lumagpas na ang six months na kanyang ipinangako sa sambayanan ay inamin niya na mahirap talagang sugpuin ang problema sa drugs kaya humingi siya ng extension o karagdagang dalawang taon para tapusin ang drug problem ng bansa.
Hindi man sabihin ay masasabi natin na ang problema sa iligal na droga ang malaki at pangunahing salot sa bansa.
Dahil dito ay nanawagan sa publiko ang mga otoridad na sana raw ay tulungan sila ng publiko sa fight against drugs, kahit man lang sa pagbibigay ng mga tip sa kanila.
Ang problema ay marami sa mga pinoy ang nagbubulag-bulagan dahil sa takot nila na baka ang pulis na pinagsumbungan nila ay posibleng kasabwat ng pulisya. Ang pinakamainam na sagot sa problemang ito ay koordinasyon at kooperasyon ng bawat isa.
Magtulong-tulong ang mamamayan dahil ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ng ating lahi ang makikinabang nito. Tiyak na mapayapa at progresibo ang bansa kapag wala na ang iligal na droga sa lansangan.