Ni: Melrose Manuel
“just don’t be corrupt.” Ito ang naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos tanggapin ni Department of Agriculture Undersecretary Bernadette Romulo-Puyat ang bagong posisyon bilang Department of Tourism (DOT) secretary.
Hindi raw ito makapaniwala matapos siyang sabihan na siya ang hahalili kay Wanda Tulfo Teo na nagbitiw sa kanyang posisyon dahil sa kontrobersiyal nitong hinaharap.
Nababagay umano si Puyat sa nabakanteng posisyon dahil malinis ang kanyang record sa nagdaang 12 taon nitong paninilbihan sa gobyerno.
“Your credentials speak for itself” ang sabi ng pangulo.
Mga naging posisyon ni Puyat
Nagsimulang naglingkod sa gobyerno si Puyat bilang isang deputy cabinet secretary sa presidential management staff noong administrasyon ni Pangulong Arroyo.
Sumunod nitong katungkulan ay sa Department of Agrarian (DA), isa siyang undersecretary in-charge sa mga post-harvest facilities at rural credits noong si Athur Yap pa ang agriculture secretary.
Naging undersecretary din ito for women’s farmers, gender and development, at indigenous tribes and youth.
Iiwanan naman niya ang kanyang pagiging undersecretary for agribusiness and marketing ng DA upang gampanan ang bagong ipinagkatiwala sa kanya ng pangulo sa ahensya ng DOT.
Plano sa DOT
Walang pinagkaiba ang dating trabaho ni Puyat sa DA at sa DOT dahil palagi nitong nakakatrabaho ang nasabing ahensya at marami na rin silang joint project gaya ng madrid fusion at agri-tourism kung saan ay ipinapakilala ang mga lokal na produkto sa buong mundo.
Samantala, pag-aaralan muna ni Puyat ang plano at kontrata ng DOT sa pamamahala ni Teo. Hindi rin muna ito magbibigay ng reaksyon sa mga proyekto na nasimulan ng dating kalihim. Kasama na rito ay ang isinusulong na muling pagho-host ng bansa para sa Miss Universe Pageant.
Isa umano sa magiging proyekto nito ang pagpapatuloy na pagsulong sa pagkaing Pinoy na nasimulan na niya sa ilalim ng DA. Ito ay dahil limitado lamang ang ginagawang proyekto ng gobyerno na may kinalaman sa mga pagkaing espesyal ng Pinoy.
Gagamitin umano nito ang kanyang natutunan bilang undersecretary sa DA para pamahalaan ang DOT bilang paunang programa nito sa kanyang bagong posisyon.
Aminado naman ito na marami rin itong hindi nalalaman na hindi kaugnay sa pagkain kaya handa naman itong makinig sa plano para sa mga kasalukuyang programa.
Isusulong din umano nito ang paglimita sa pagdagsa ng mga turista sa bawat tourist destination ng bansa.
Tiwala ng mga senador kay Puyat
Malaki ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Puyat. Suportado naman ng ilang mga senador ang pagtalaga sa kanya. Kilala na isang matapat sa gobyerno ang pamilya nito kaya’t inaasahan din na maging matapat din si Bernadette.
“Excellent choice” ganito inilarawan ni Senador Grace Poe ang ginawang pag-appoint kay Puyat. Subok na umano si Puyat bilang isang public official buhat pa sa nakaraang administrasyon. Naniniwala rin ang senadora na malaki ang kakayahan ng bagong kalihim na maiangat ang turismo ng bansa.
Natitiyak naman ni Senador Majority Leader “Tito” Sotto III na hindi magkakaroon ng problema ang kalihim kapag haharap na ito sa Commission on Appointment (CA). Matagal na nitong kakilala na may malinis na record sa paninilbihan sa pamahalaan.
Samantala, kampante naman si Senador Ralph Recto na magagampanan ni Puyat ang kanyang magiging responsibilidad sa DOT. Aniya nakayanan nitong gawin ng maayos ang trabaho nito sa ibang departamento kaya aasahan din umano na marami itong magagawa sa ikakaunlad ng turismo kasabay ng paglago ng ekonomiya sa bansa.
“She has good academic credentials and is very qualified to be the secretary of tourism” ani Recto.
Sino si Bernadette
Laging pinapansin ni Pangulong Duterte si Bernadette Romulo-Puyat sa tuwing nagkakaroon sila ng pagpupulong. Ito ay dahil sa malinis na pagganap nito sa kanyang tungkulin sa kanyang mga nagdaang posisyon.
Byuda ni Atty. Dave Puyat si Bernadette kunsaan sa edad na 40 ay pumanaw si Dave noong 2010 dahil sa heart attack. Nanggaling rin ito sa pamilya ng pulitiko na kilala at nirerespeto ng sambayanan.
Anak siya ni dating Senador at Foreign Affairs Secretary Alberto G. Romulo. Kapatid naman siya ni dating kongresista ng Pasig City Roman T. Romulo. Apo naman siya ng dating presidente ng United Nations General Assembly Carlos P. Romulo.
Nakapagtapos din ito bilang Cum Laude ng BS economics sa University of the Philippines.
Puyat kawalan sa DA
Kawalan sa Department of Agriculture ang pagkaluklok ni Puyat na bagong Secretary ng Department of Tourism dahil marami itong maiiwanang trabaho sa departamento.
Isang mapagkatiwalaang public official si Puyat at nangunguna sa mga gawaing pang agrikultura.
“She is a loss to the DA, especially in our marketing advocacies” ito ang komento ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol. Wala naman daw pinag-usapan sa cabinet meeting kaya nagulat daw ito nang malaman ang pagtalaga ng pangulo kay Puyat.
Gayunpaman, masaya naman ang buong departamento ng DA sa bagong posisyon ni Puyat at naniniwala ang mga ito na magampanan nito ng maayos ang DOT.
Sinabi rin ni Piñol na mas mapapaigting ngayon ang joint program ng DOT at DA sa pagpa-angat ng farm tourism at agri-tourism.
Ibibigay naman ang naiwanang trabaho ni Puyat kay DA secretary for policy and planning Segfredo Serrano hinggil sa rice importation. Namamataan naman na hahalili si Jose Gabriel La Vina bilang DA undersecretary.