MARGOT GONZALES
APRUBADO na ng Kamara ang panukalang batas na magpapataw ng otomatikong 5% franchise tax sa bawat franchise ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Nakasaad sa inaprubahang bersyon ng House Committee on Ways and Means na may 5% franchise tax ang ipapataw sa gross winnings ng mga POGO na lisensyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Nakapaloob din sa House Bill 5267 ang 25% tax na dapat bayaran ng sino mang dayuhan na empleyado ng gaming operations dito sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay 2% franchise tax lang ang kinokolekta ng PAGCOR sa mga POGO, na may katumbas ng P8-B kita sa gobyerno.
Ayon kay Committee Chairman Albay Rep. Joey Salceda, na siya ding may akda ng panukala, posibleng umakyat sa P45 bilyon ang kita ng pamahalaan kada taon kapag naipasa ang proposed bill.