HANGGANG hindi nawawakasan ang endo ay muling ihahain at patuloy isusulong ang Security of Tenure Bill, ayon kay Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva.
JHOMEL SANTOS
IKINADISMAYA ng ilang senador ang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Security of Tenure Bill o panukalang batas na naglalayong ganap na tapusin ang kontraktuwalisasyon sa bansa.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto, muli nilang ihahain at ipapasa ang panukala sa 18th Congress matapos ang naging desisyon ng pangulo.
Naguguluhan naman aniya si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri kung bakit idineklara itong priority measure ng Malacañang kung ive-veto lamang ito matapos aprubahan ng Kongreso.
Maging si Minority Leader Franklin Drilon ay ikinalungkot ang desisyon ng punong ehekutibo.
Sinabi naman ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva na hanggang hindi nawawakasan ang endo ay muli nilang ihahain at patuloy isusulong ang Security of Tenure Bill.
Giit ni Villanueva, sa pagbalangkas ng panukala ay sinikap nilang patas ito sa lahat ng partido at bawat probisyon ay may kaukulang proteksyon para sa mga manggagawa laban sa mga iligal na uri ng contractualization habang hindi pinapabayaan na madehado ang mga negosyante na tumutulong maglikha ng trabaho.
Sa simula pa lamang aniya ay inasahan na ni Villanueva na maraming haharang sa panukala.
Patutsada pa ni Villanueva na ang pagka-veto sa Security of Tenure Bill ay nagpapakita na naging mas matimbang ang mga makapangyarihan at naghaharing-uri laban sa katotohanan at mga inaapi.