POL MONTIBON
INILUNSAD kamakailan ng mag-asawang sina Congresswoman Florida “ Rida” Robes ng Lone District ng San Jose del Monte, Bulacan at SJDM Mayor Arturo “Arthur” Robes ang kauna-unahang Love Lock marker sa bansa.
Itoy bahagi ng kanilang pagnanais na makilala ang San Jose del Monte bilang bahagi ng UNESCO Creative Cities Network (UCCN) gaya ng iba pang mga kilalang lugar at bansa sa mundo na nagpapakita ng mahahalagang papel sa kultura, tradisyon at mahahalagang kasaysayan ng bawat lugar sa bansa at sa buong mundo.
Ang heart marker ay matatagpuan sa Barangka Road sa Barangay Paradise 3 sa SJDM.
Makikita ito sa bulubunduking bahagi ng SJDM tanaw ang makabuntong-hiningang skyline ng Metro Manila at iba pang mga kalapit lungsod at munisipalidad.
Ang Rising Heart Marker ay magsisilbi bilang paalala sa mga kababayan nito at maging sa bansa na sa kabila ng kaguluhan sa mundo, mangingibabaw pa rin anila ang kapayapaan, pagmamahal, at pagdamay sa isa’t-isa.
Ang unveiling of the marker ay kaalinsabay na rin ng nalalapit na pagdiriwang ng Valentine’s Day.
Magsisilbi din itong Love Lock Repository gaya ng Love Lock Bridges sa Paris at Japan.
Bukod sa heart marker, may freedom board kung saan may kalayaan ang sinuman, mapa-single man o may love life, na isulat ang kanilang saloobin patungkol sa pag-ibig.
Umaasa ang pamilya Robes kasama ng kanilang lungsod na mabibigyan ng pagkakataon ng UNESCO na tanggapin ang kanilang aplikasyon at maihanay ang lugar sa marami pang bansa sa mundo na nakapagbibigay ng inspirasyon at magandang alaala sa sinuman dahil sa dala nitong istorya at adhikain.
Samantala, bukod sa mga sikat na Love Lock Bridges sa Paris at Japan, may sampu pang lugar sa mundo ang may love lock symbols na kilala sa mundo gaya ng Uruguay, Prague, Moscow, New York, Rome, Serbia, Japan at Paris.
Bukas na sa publiko ang nasabing parke hindi lang para sa mga may ka-forever, kundi lahat ng mga patuloy na nagmamahal sa lungsod ng San Jose del Monte.
Samantala, isinagawa rin sa nasabing lugar ang kauna-unahang kasalang bayan sa mga katutubong Dumagat na pinangunahan ng punong lungsod ng San Jose del Monte.
Sa nagdaang pagdiriwang ng Buwan ng mga Puso, 26 na Dumagat couple ang opisyal na pinag-isa sa isang katutubo at lokal na seremonya sa nasabing lugar.