EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
MALINAW na wala talagang kapangyarihan ang Communist Party of the Philippines sa armadong grupo nito na New People’s Army.
Isang patunay dito ang hindi pagsunod ng New People’s Army sa napagkasunduang ceasefire sa pagitan ng Communist Party of the Philippines at Gobyerno ng Pilipinas.
Nagsimula nitong December 22, 2019 ang tigil putukan hanggang January 7, 2020.
Sa kabila nito, ilang oras pa lang ang nakakalipas magmula nang magsimula ang ceasefire ay inatake ng pinaghihinalaang communist guerrillas ang mga pulis at sundalo sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Iloilo at Camarines Norte province.
May kapangyarihan pa ba si Joma Sison ang founder ng Communist Party of the Philippines?
Sinusunod pa ba ng New People’s Army ang armadong grupo ng komunista ang mga utos ni Sison?
Kung ilang oras pa lang matapos magsimula ang tigil putukan ay hindi na agad ito nasunod sana ikansela na lang ito ng gobyerno.
Magtatapos ang taong 2019 na iniiwan ng Duterte Administration ang posibilidad na muling buksan ang peace talks sa pagitan ng komunista at gobyerno.
Ito ay sa kabila nang maraming beses na itong itigil dahil nakukulangan ang gobyerno sa sinseridad mula sa komunista.
Para kay Pangulong Rodrigo Duterte kung gusto ng CPP na ituloy ang peace talks dapat dito sa Pilipinas gawin at hindi sa ibang bansa.
Nagbigay din ng katiyakan si Pangulong Duterte na hindi huhulihin ng gobyerno at tutulungan na makabalik sa Pilipinas si Sison na nasa Netherlands bilang isang political refugee.
May patutunguhan nga ba ang peace talks sa mga komunista?
Nais ng gobyerno na pagbigyan ang kapayapaan pero hanggat nagpapatuloy ang ginagawang panununog, paghingi ng revolutionary tax, recruitment sa kanayunan, pagsira sa kinabukasan ng maraming kabataan kaya madalas natitigil o naisasangtabi ang usapang pangkapayapaan.
Kaya hindi tumitigil ang gobyerno na pigilan ang NPA sa mga operasyon sa nagpapatuloy na military operations sa mga kuta ng mga rebelde sa buong bansa.
Hindi na rin nakapagtataka ang desisyon ni Davao City Mayor Sara Duterte na huwag isama ang kaniyang lungsod sa Christmas ceasefire sa mga terorista pati na rin sa binabalak na formal peace talks.
Para kay Inday Sara hindi mapagkakatiwalaan ang CPP-NPA at hindi aniya kilala ng mga komunista ang ibig sabihin ng salitang sinseridad.
Sa napakaraming taon at administrasyon na nagdaan ay hindi umubra ang usapang pangkapayapaan sa mga komunista.
Kung sa ceasefire pa lang ay hindi na nasusunod si Joma Sison paano pa kaya ang mapagkakasunduan sa peace talks.
Marami nang nailatag na negosasyon sa dalawang panig para maging win-win ang usapang pangkapayapaan pero napupunta sa wala dahil pagdating sa implementasyon ng kasunduan sa parte ng CPP ay hindi ito nasusunod.
Kung itutuloy ito ng gobyerno ibang lider kaya ng CPP ang dapat kausapin dito para matiyak na nasusunod ang kasunduan?
Dahil sa maraming pagkakataon napatunayan ni Joma Sison, hindi na siya pinakikinggan ng mga komunista na nasa bansa.