MALA-KASTILYO ang tinaguriang Disneyland ng Pilipinas na matatagpuan sa Lemery, Batangas.
Ni: Crysalie Montalbo
SINO nga ba ang hindi nangarap na makaapak sa Hongkong Disneyland na tinaguriang ‘World’s Happiest Place’.
Bata man o matanda nangangarap na marating ang sikat na pasyalan na ito sa Hong Kong. Subalit ang dami pang kakailanganin bago ka makatuntong sa Hong Kong. Kaya siguro napapaisip ka na sana’y mas malapit na lang ito sa atin. O di kaya nama’y sana ay mayroon din tayong tulad nito.
Ang pangarap ay maaari ring maging katotohanan. Sa katunayan ang istorya ng isang palasyo ay buo na dito mismo sa ating bansa. Ngunit sa nakakalungkot na mga pangyayari, tila hanggang doon na lang muna ang kasaysayang ito.
Mula Maynila ay maglalakbay ka ng apat na oras para makarating sa Fantasy Land sa Lemery, Batangas, ang tinaguriang “Abandonadong Disneyland ng Pilipinas.”
Pinangarap ng karamihan ang magkaroon ng sariling Disneyland ang bansang ito kaya napakaganda ang alamat ng pag-usbong ng malapantasyang palasyo na ito. Subalit, sa ‘di inaasahan ay nagtapos agad ang kwento.
Hindi na itinuloy ang Fantasy Land sa kadahilanang hindi sapat ang pondo na nailaan para dito. Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ito ng isang asosasyon at walang problema para sa mga turistang gustong pumunta dito. Sa halagang P1,000, sa bilang na sampung tao, ay malilibot mo na ang destinasyong ito at sulit na sulit na.
Di katulad ng mga abandonadong peryahan sa Japan, maayos pa rin ang pasilidad sa Fantasy Land. Hindi man gumagana ang mga rides ay maganda pa rin ito bilang atraksyon.
Kaya, hindi mo man lubos na maisasabuhay ang iyong Disneyland fantasies, buong galak na pasyalan mo ang Fantasy Land sa Lemery, ang maituturing na ring Disneyland ng Pilipinas, at makibahagi sa kasiyahang dulot nito.