MJ MONDEJAR
IBABIYAHE na pabalik sa South Korea ang mahigit limang libong toneladang basura na iligal na ipinuslit at itinambak sa Mindanao.
Ito ang inihayag ng mga environmental groups na Ecowaste Coalition at Interfacing Development Interventions for Sustainability (IDIS).
Ayon sa grupo, kinumpirma sa kanila ni Customs-Region 10 Port Officer John Simon na simula sa Enero a-19 ay ibibiyahe na pabalik sa South Korea ang nasa animnapung container van ng mga basurang itinambak sa Phividec Industrial Estate Sa Tagoloan, Misamis Oriental mula noong Hulyo 2018.
Habang ang iba pang mga basura ay ibabalik sa Pebrero a-9 ng mga vessel mula Maersk International Shipping Lines na siyang official carrier.