Editorial ni Hannah Jane Sancho
NAGBABALA ang United Nations Food and Agriculture Organization na kapag nagpatuloy ang polusyon na idinudulot ng plastic sa ating mga karagatan ay posibleng mas dumami pa ang bilang ng mga plastic kaysa sa isda.
Dahil dito kakainin ng mga isda sa karagatan ang mga plastic at tuluyan nila itong ikamamatay.
Kapag wala tayong ginawang aksiyon ngayon ay darating ang panahon na magmimistulang disyerto ang karagatan at wala nang matitirang buhay dito dahil sa polusyon.
Kamakailan naiulat na pinagiisipan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagban ng paggamit ng plastic sa buong bansa matapos matalakay ito sa cabinet meeting.
Agad namang nagpahayag ang kongreso na kanila itong aaksyunan matapos ang naging pahayag ni Pangulong Duterte.
Nagbigay pa ng katiyakan si Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Jr. chairman ng house committee on natural resources na kanila itong tutugunan at gagawa ng mga panukala na kaugnay dito.
Si Bohol Rep. Alexie Beas Tutor naman ay naghain ng panukalang batas na i-ban ang single use plastic sa lahat ng tourist sites at destination sa bansa.
Sa senado naghain na ng panukalang batas sina Senador Francis Pangilinan at Cynthia Villar kaugnay sa banning ng single use plastic.
Ginawa nina Pangilinan at Villar ang hakbang matapos mapaulat na ang Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking producer ng plastic waste sa ating mga karagatan.
Ikinalugod naman ng ilang environmental groups ang pagpapahayag ng interes ng Pangulong Duterte na masolusyunan ang problema ng paggamit ng plastic sa bansa.
Kaya panawagan ng grupong Greenpeace kay Pangulong Duterte na sertipikahang urgent ang panukalang batas na nagsusulong ng ban sa single-use plastic products.
Gayunpaman sana hindi lang tayo magaling sa paggawa at pagpasa ng batas.
May mga batas na tayo tulad ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000 pero nakalulungkot na marami pa rin ang hindi seryoso sa pagpapatupad nito.
Maaring sumusunod ang mga establisemyento pero karamihan sa mga notorious sa hindi pagsunod dito ay ang mga basura na hindi nasesegregate mula sa mga kabahayan.
Isa rin sa nakikitang solusyon para matugunan ang patuloy na pagdami ng plastic sa ating mga karagatan ay ang pagpapatigil sa pagprodyus ng mga produkto na tingi-tingi.
Kilala ang Pilipinas na mahilig sa tingi dahil dito aniya nakakamura ang marami sa atin.
Pero ito rin ang pangunahing dahilan kaya maraming plastic sa ating karagatan.
Bakit kaya naman ng ibang bansa na walang tingi at nakatitipid sila kung malakihan ang binibili nila at matagal pa ito nauubos.
Kailangan lang baguhin ng marami sa atin ang pag-iisip na kapag tingi ay nakakamura tayo.
Pero kung pinagsama-sama mo na ang binili mong tingi mas mahal pa ito kaysa bumili ka na lang ng isang bote.
Dahil din sa hindi tamang pagtapon ng mga basura mula sa binili mong tingi-tingi ang siyang dahilan kaya nasa karagatan ang mga ito.
Ayon sa Global Alliance for Incinerator Alternatives na kada taon halos 59.8 billion ang bilang ng plastic sachet ang ginagamit sa Pilipinas.
Habang 17 Billion na shopping bags naman ang ginagamit sa buong bansa kada taon.
Isipin mo kung hindi ka gagamit ng tingi-tingi at shopping bags malaki rin ang maitutulong mo para mabawasan ang basura na magmumula dito.
Ibig sabihin sinasalba mo ang karagatan at ang susunod na henerasyon.