By: Wally Peralta
HINDI naging madali para kay Kim Domingo ang makapasok at makilala sa mundo ng show business ngunit ngayon isa na siya sa mga maituturing na mapalad na baguhan.
Binigyan ng chance ng Kapuso Network si Kim na mapasama sa comedy show na “Bubble Gang” at lalo siyang napansin nang mag-sunod sunod ang kanyang mga ginawang proyekto tulad ng “Juan Happy Love Story” na nasundan ng “D’ Originals” at ngayon naman ay kasama siya sa “Super Ma’am” na pinagbibidahan ng nagbabalik-teleserye sa primetime na si Marian Rivera.
Sa pelikula naman ay sunod-sunod din ang kanyang mga ginawa, pagkatapos ng kanyang “Magtanggol” kasama si Tom Rodriguez ay ginawa naman niya agad ang ‘Mang Kepweng” nila ni Vhong Navarro, at ngayon naman ang “Barbie, The Wonder Beki” nila ni Paolo Ballesteros.
Tameme ang mga bashers at dahil sikat, hindi siya lusot sa mga bashers pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay tumatahimik siya lalo na kung below the belt na ang mga paninira sa kanya.
Ayon pa sa aktres hindi biro ang kanyang mga pinagdaanan bago pa man siya nakilala ng mga tao kaya walang karapatan ang sinuman na husgahan siya.
Matatandaang iniwan ang dalaga ng kanyang ina at hindi nakikilalang ama kaya ang lola niya ang kanyang tumayong naging ina.
Hindi umano niya makalilimutan ang mga pagkakataong naging mahirap para sa kanila ng lola niya ang kanilang buhay.
Naranasan niyang mapalayas sa inuupahang bahay dahil wala silang pambayad kaya nag pursigi siyang makahanap ng trabaho para sa kanilang dalawa ng lola niya.
Inamin ng sexy actress na may basher siyang nasagot dahil negatibo ang komento nito sa kanya.
“Ang comment niya sa akin ay ‘katawan lang ang puhunan’ so sinagot ko siya nang pabiro, ‘At least may puhunan, milyon na nga kinita!’”
Mas maraming kaibigang lalake
Hindi rin ikinakahiya ng aktres na mas marami siyang naging kaibigan na mga lalake kaysa babae.
“Simula dati, may mga friends na ako na mga babae pero ang problema kasi, hindi maiwasan na may inggit, mai-insecure sa iyo, iba-back stab ka, mga ahasan”. paliwanag niya.
“Mas malapit po ako sa lalaki, mas magaan po ang loob ko kasi ang best friend ko po ngayon ay tunay na lalaki po talaga since high school po ito’’, dagdag pa niya.
Strength
Kapuna-puna rin ang isang tattoo na nakasulat sa kanyang pulos, ang katagang ‘strength’. Ano naman kaya ang simbolo nito para kay Kim at ito ang napili niyang ipalagay sa kanyang kamay?
“Ito kasi ang word na nagpapaalala sa akin sa tuwing pinanghihinaan ako ng loob. Ang aking katatagan para malampasan ang mga naging pagsubok sa buhay bago ko marating ang kinalalagyan ngayon sa showbiz”.
Sinabi niya na ito ang nagpapaalaala sa kanya na kahit anuman ang kanyang mga napagdaanan noon ay may strength siya upang patuloy na makipaglaban.
Maging isang actress
Hindi niya itinatanggi na naging daan para makilala sa showbiz ay ang kanyang seksing pangangatawan, maamong mukha at makinis na kutis.
Naging instant ‘pantasya’ siya ng bayan pero hindi ito ang nais ni Kim na maging imahe sa showbiz, gusto niyang mapansin bilang isang actress. Kung kaya labis-labis ang kanyang kaligayahan ng mapasama siya sa “Super Ma’am”, dahil bukod sa mga maaksyong eksena ay heavy drama rin ang ibang eksenang kukuhanan sa kanya.
“Ang sabi ko nga gusto ko na makatawid doon sa pagiging aktres kaya ngayon medyo binabawasan na po ang pagpapaseksi ko. Dito po sa role ko, medyo naka-costume ako at walang mapapansin na kaseksihan sa aking pananamit”, ayon pa kay Kim.