Kinaabangan ngayon ang desisyon ng FIBA kung ano ang mangyayari sa Gilas team matapos masabak sa gulo laban sa Australia. Ganun pa man, tiwala ang Gilas at SBP na magiging patas ang FIBA para sa dalawang koponan.
Ni: Edmund C. Gallanosa
SIGURADONG buhay na buhay na naman ang dugo ng mga Pinoy sa kakatapos na third window ng FIBA Asia Qualifying Round na ginanap kamakailan. Bagama’t nanalo ang P’nas sa Taiwan 90-83, sa kasamaang palad naman ay nauwi sa gulo ang kamakailang laban natin sa Australia. Winner by default ang Australia sa kadahilanang thrown-out ang siyam sa labindalawang player natin, kaya hindi na nakuhang matapos pa ng Pilipinas ang laro. Ang resulta—89-53 pabor sa mga dayuhan.
Sa opening ng third window, naging mabigat ang pressure nang kaharapin ng mga Pinoy ang mga Taiwanese sa kanilang teritoryo. Maagang nanguna sa puntos ang Taiwan bago tuluyang kumawala ang P’nas dahil sa mahigpit na depensa, at matinding opensa. Panalo ang Gilas 90-83 na siya namang nagpa bagsak nang tuluyan sa pangarap ng Taiwan makasama sa 2nd round. Kasabay ng larong ito, tinalo naman ng Japan ang Australia, 79-78 para sungkitin ang ikatlong pwesto sa Asian qualifier.
Balik sa Pilipinas ang laro kalaban ang Australia para sa unang pwesto, nagsimula ang laro na may kartadang 4-1 ang P’nas at Australia. Mainit ang laban, mula umpisa matindi na ang girian ng dalawang koponan. Apat na minuto pa lamang ang nagsisimula sa 3rd quarter nang mag-commit ng personal foul si RR Pogoy kay Aussie Chris Goulding. Sa patulak na foul ni Pogoy bumagsak si Goulding, at siyang sugod naman ni Daniel Kickert kay Pogoy gamit ang siko na siyang nagsimula ng rambol sa third quarter. Nagkagulo sa loob ng Sports Arena at nahinto ang laro ng halos tumagal ng 30 minuto. Pinag-aralan ang footage ng gulo at idineklarang thrown-out ang ilang manlalaro sa bawat koponan.
Dagdag man sa pagsubok, sama-sama pa rin
Tanggal sa laro ang mga Gilas players na sina Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Andray Blatche, Jayson Castro, Carl Bryan Cruz, Pogoy, Terrence Romeo, Troy Rosario, at Matthew Wright; samantalang tanggal din sina Chris Goulding, Daniel Kickert, Thon Maker, at Nathan Sobeys sa panig ng Australia.
Habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa nagbababa ng hatol ang pamunuan ng FIBA kung ano ang kakahantungan ng gulo na nangyari sa dalawang koponan. Bagama’t pinaglalabanan ng Australia at Pilipinas ang unang pwesto, lumalabas na ‘formality for positioning’ na lamang ang laro sapagkat parehong paso ang dalawang bansa sa susunod na round ng tournament.
Walang dapat ikabahala ang ating mga kababayan sapagkat sa darating na 2nd round ng torneo, nasa ikatlong pwesto ang Pilipinas sa Group F na may 10 points—lamang lang ng tig-isang punto ang Australia at Iran para sa 1st at 2nd place finish. Maliban sa nasabing bansa, makakasama natin sa Group F ang bansang Kazakhstan, Qatar at Japan. Ang second round ng FIBA Basketball World Cup 2019 Qualifiers ay magkakaroon ng 3 windows muli, at aasahang magsisimulang maglaro ang mga koponan sa buwan ng Setyembre, Nobyembre at Pebrero ng 2019.
Sa lahat ng groupings, Ang 31 na pinaka-maga-galing na teams lamang ang papasok at makakasama ang host China para sa World Cup, na gaganapin mula August 31 hanggang September 15, 2019.
Tuloy pa rin ang laban ng bayan
Ayon kay Samahang Basketbolista ng Pilipinas (SBP) Chairman Sonny Angara sa isang panayam, susulat sa pamunuan ng FIBA si SBP President Al Panlilio upang humingi ng kapatawaran sa nangyaring gulo at para linawin ang kahahantungan ng ating koponan. Giit ni Angara, malaki ang pagsisisi ng team Pilipinas sa pangyayari, at handa sila sa anumang desisyon o sanction ang ipapataw ng FIBA. Subalit, alam ni Angara na magiging patas sa desisyon ang FIBA para sa Australia at P’nas.
“Alam naman natin na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkagulo nang ganito sa isang ‘friendly-environment match’ ng basketball. Halos kapareho ‘yan ng nangyari noong 2010 sa laban ng Greece vs. Serbia. My point is yes pinatawan ng sanctions, even fines ang ilang players, but I don’t think the sanction on that incident was not be meted out to the whole team. We expect na pag-aaralan maigi ng FIBA ‘yung incident natin and we are positive na tuloy-tuloy pa rin tayo sa 2nd round. ”
Para kay SBP Chair Angara, tiwala ang pamunuan ng SBP na papayagan pa silang bumuo ng team kung sakaling hindi paglaruin ang mga na thrown-out na players. “Should that happen, matatandaang nakapagsubmit tayo ng pool of players natin sa FIBA and also we’re lucky we have a professional league perhaps we could get some of the services of players there (sa PBA). I’m pretty sure a lot of them are willing to play for the country.” dagdag pa ni Chairman Angara.
Prepare for the worst, hope for the better ngayon ang stance ng ating Gilas team. Ganun pa man, hindi papabayaan ng pamunuan ng SBP na mabale-wala ang pinaghirapan ng ating mga manlalaro. Nadala man ng emosyon ang iba nating mga players, team pa rin nating haharapin ang ipapataw ng FIBA sa P’nas. Abangan ang susunod na kabanata!