ADMAR VILANDO
WELCOME development para kay Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu ang pasya ng korte na guilty ang mga miyembro ng Pamilya Ampatuan na primary suspects sa Maguindanao massacre case.
Sa isang official statement, taos-pusong nagpapasalamat ang Pamilya Mangudadatu sa suporta’t dalangin na kanilang natanggap upang makamit natin ang katarungang ating hinintay ng sampung taon.
Aniya, bagama’t hindi lahat ng akusado ay nahatulan ng pagkakakulong, sila ay nagagalak pa rin dahil ang mga dapat masakdal ay nakatakda nang makulong pang habang-buhay.
Punto ni Mangudadatu, na hindi sapat ang mga salita upang maihayag nito ang kanilang taos-puso at lubos na pasasalamat sa Diyos at sa panalangin para sa kanila dahil sampung taong paghihintay ay naging makabuluhan dahil sila ang kinatigan ng hustisya.
Pinuri naman ng kongresista ang justice system ng bansa lalo na ang ating Saligang Batas.
Matatandaan na nauna nang nagbanta si Mangudadatu na bababa ito sa pwesto bilang kongresista kung hindi nito makakamit ang hustisya sa nasabing krimen kung saan biktima ang kaniyang maybahay.
Hatol ng hukuman sa Maguindanao massacre case, welcome sa Malakanyang
Ikinatuwa ng Malakanyang ang naging hatol ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis Reyes sa madugong Maguindanao massacre na tumagal ng isang dekada.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ngayong naibaba na ang hatol ng hukuman ay nakamit na rin ang hustisiya sa panig ng mga biktima at sa mga akusado.
Ayon kay Panelo maaaring magamit ng mga akusadong nahatulan ng guilty ang legal remedy para umapela sa Mataas na Hukuman at sa mga akusadong napawalang sala ay nakamit na rin nila ang hustisya.
Inihayag ni Panelo na hindi papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umiral sa bansa ang kultura ng pagpatay sa mga inosenteng mamamayan.
Kaugnay nito pinuri ng Malakanyang ang mga prosecutors ng Department of Justice na tumutok sa pag-uusig sa mga akusado sa Maguindanao massacre na pumatay ng 58 biktima na kinabibilangan ng 32 mga mamahayag noong Nobyembre 23 2009.
Naniniwala naman si Panelo na aabot pa sa Korte Suprema ang kaso bago maging pinal ang hatol sa mga salarin.
PCOO at PTFoMS, itinuturing na isang selebrasyon ang hatol sa Pamilya Ampatuan
Isang malaking selebrasyon para sa press freedom, freedom of expression at human rights ang naging hatol sa mga akusado sa Maguindanao massacre.
Ito ang naging pahayag ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Undersecretary Joel Egco kasunod ng naging hatol sa itinuturing Ampatuan mastermind.
Giit naman ni PTFoMS co-chair at Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary, pinatutunayan lamang ng naganap na promulgation na walang sinasanto ang batas ng Pilipinas kahit pa makapangyarihan at maimpluwensyang pulitiko.
Tiyak din aniyang matatandaan ang araw kung saan nanaig ang hustiya.
Naniniwala rin si Andanar na dahil sa naging desisyon ni Judge Jocelyn Solis Reyes ay naibalik muli ang imahe ng bansa na kumikilala, nagpapahalaga at prumoprotekta sa karapatang pantao at dignidad ng mamamayan.
Ilang pangunahing akusado, hinatulan ng reclusion perpetua
Sa 761-page consolidated partial decision ni QC RTC Judge Jocelyn Solis-Reyes, hinatulang guilty beyond reasonable doubt sina Datu Andal ‘Unsay’ Ampatuan Jr., Datu Zaldy ‘Puti’ Ampatuan Jr., Datu Anwar Sajid Ampatuan, Datu Anwar “Ipi” Ampatuan, Jr., Datu Anwar Ampatuan, Sr. at iba pa sa 57 counts ng murder.
Pinatawan ang mga ito ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo na walang parole.
Kaugnay rito, inatasan din ng korte ang mga pangunahing akusado ng pagbabayad ng danyos sa mga inulila ng mga biktima ng Maguindanao massacre.
Samantala, ayon sa mga abogado ng mga nahatulan na Ampatuan na maghahain sila ng motions for reconsideration sa loob ng labing limang araw.
Sinabi ni Judge Reyes na ‘consolidated partial decision’ lamang ang ibinaba ngayon sa kadahilanang ‘at-large’ pa ang ilang mga akusado.
Datu Sajid Islam Ampatuan, at iba pa, pinawalang-sala
Sa kabila ng pagkaka-convict sa ilang miyembro ng pamilya Ampatuan ng reclusion perpetua, ilan din dito ang pinawalang-sala, kabilang sa mga pinawalang sala sa kasong multiple murder si Datu Sajid Islam Ampatuan na una nang nakapagpiyansa, Datu Akmad “Tato” Ampatuan, Jonathan at Jimmy Ampatuan.
Not guilty din ang hinatol ng korte sa ilang mga pulis na akusado matapos mabigo ang prosekusyon na mapatunayan sa kanilang ebidensya ang pagkakasala ng mga ito.
Dahil sa not guilty verdict, ipinag-utos na ng korte sa jail warden ng Quezon City Jail – Annex ang agarang pagpapalaya sa mga pinawalang sala maliban na lamang kung nakulong ito sa iba pang kaso.