SA kasalukuyan nasa 12 bansa na ang naabot ng Hydropanel Technology. Nagkakahalaga ng $2,000 ang isang panel.
Ni: Ana Paula A. Canua
ANG tubig ay buhay, ngunit paano kapag dumating ang punto na limitado na ang supply ng tubig sa mundo?
Ang ating planeta ay tinatawag ding Blue planet dahil sa mataas na bahagdan ng tubig sa ating kapaligiran. Alam niyo na 70 porsyento ng earth surface ay binubuo ng tubig, ngunit sa kabila nito nasa 3.5 porsyento lamang ang maaring mainom.
Sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO) nasa 884 million na tao sa buong mundo ang kulang o walang mapagkukuhaan ng malinis na maiinom na tubig. Ayon din dito, kapag hindi tuluyang napangalagaan ang kalikasan, tinatayang sa taong 2025 aakyat ng kalahati sa kabuuang populasyon ang dadanas sa limitadong mapagkukuhaan ng tubig.
MATAPOS dumaan sa proseso ng pagkolekta at pagsala, maari nang mainom ang tubig mula sa Hydropanel.
Hydropanel technology
Nagmula sa kompanyang Zero Mass Water ang ideya ng hydropanel technology, ngunit paano nga ba naging posible ang makakuha ng tubig mula sa hangin?
Kadalasan na mula sa sinalang groundwater ang tubig na ating iniinom, ngunit sa pamamagitan ng SOURCE Hydropanel maari na ring makuha mula sa atmospheric water vapor o tubig na nakasuspendi sa hangin ang maiinom na tubig. Ang nakakabilib pa kahit sa disyerto kung saan mababa ang water vapor level ay maari pa ring may makuhang tubig.
Maikukumpara ang hitsura at laki ng hydropanel sa solar panels. “No wires or pipes going in, and only a single tube filled with safe, delicious drinking water leading out, right to your tap,” pagsasalarawan ng tagapagsalita ng kompanyang Zero Mass Water.
“Each panel has a programmable circuit board that runs an algorithm,” paliwanag ni Mike Robinson, mechanical engineer ng Zero Mass.
“The harvested vapor is sterilized and turned into a liquid. The device adds minerals to increase the water’s pH levels (to make it taste more like bottled water), and stores the water underneath the panels in a reservoir that can hold 30 liters. Lastly, the water travels from the reservoir to a faucet through a pipe,” dagdag niya.
KUHA sa isang malayong bayan sa Ecuador kung saan nakatulong ng malaki ang Hydropanel technology.
Trial stage
Matapos maisakatuparan ang konsepto ng hydropanel technology, sinimulan itong idaan sa trial periods upang matiyak na ligtas at malinis ang tubig na maiinom mula sa water vapor.
Unang sinubukan ang hydropanel technology sa iba’t ibang lugar sa Australia, kabilang ng Sydney, Perth, Adelaide at ang iba pang regional towns at remote communities kung saan mababa ang reserba ng tubig.
Umabot sa kabuuang halaga na $420,000 ang pag-install ng 150 hydropanels para sa trial stage nito.
Matapos mapagtagumpayan ang trial stage, sinimulan na mag-install ng hydropanels sa isang bahay ampunan sa Lebanon, refugee camps sa Jordan at Lebanon, at pati ang Arizona dessert ay naabot din ng nasabing teknolohiya para naman magbigay ng tubig sa mga hayop na naninirahan doon.
Layunin ng hydropanel technology
“The potential benefits of this technology to the environment are important, this pilot project also can produce reliable drought-resistant water sources to remote communities while simultaneously reducing the amount of plastic bottles that end up in landfills,” paliwanag ni Ivor Frischknecht, CEO ng Australian Renewable Energy Agency (ARENA) ang katulong sa proyekto ng Zero Mass Water company.
Dalawang pangunahing motibasyon ang nasa likod ng proyekto. Una ay para makapagbigay ng malinis na tubig sa mga malalayong lugar, lalong-lalo na yung mahirap mapagkuhaan ng tubig.
Ayon sa kompanya, dahil sa mga hindi inaasahang pagbabago sa ating kapaligiran tulad ng climate change isama pa ang walang katiyakan na reserba ng malinis na maiinom na tubig, nais nilang bigyan ng solusyon ang posibilidad ng water shortage at magbigay ng access sa potable drinking water.
Layunin din ng kompanya ang mabawasan ang plastic water bottles na nagiging basura lamang kinalaunan. Sa pag-aaral na ginawa nila, sa Australia pa lamang nasa 2.3 million consumers ang tumatangkilik sa water-bottled products.
“About half a trillion liters of bottled water are sold each year at a huge cost and use of plastic,” pahayag ni Cody Friesen, CEO ng Zero Mass Water.
Karaniwan sa mga ginagamit nating water bottles ay gawa sa PET, isang uri ng plastic na kapag hindi maayos na narecycle ay aabutin ng ilang libong taon bago tuluyang mabulok.
Gaano karaming tubig ang maaring makuha sa isang araw?
Nakadepende sa lokasyon at water vapor level ng lugar ang dami ng makukuhang tubig mula sa hydropanels. Ngunit sa isinagawang test sa Mexico City, nasa limang litro ang nakolektang tubig sa dalawang hyropanel sa isang araw. Ayon sa rekomendasyog konsumo ng US Department of Health and Human Services, sasapat na ang limang litrong maiinom na tubig para sa isang pamilya na may tatlong miyembro.
“It utilizes an ultra-absorbent material that collects water from the air around it even in arid conditions. An average of three to five liters of water is produced per panel per day” paliwanag ng kompanya.
Halaga ng hydropanel
Aabot ng $2,000 ang halaga ng isang hydropanel, ngunit inaasahan na baba pa ang halaga nito paglaon kapag nagsimula na ring umusbong ang iba pang kompanya na nais gumawa ng kaparehong na teknolohiya.
Darating na sa Pilipinas
Sa pamamagitan ng grant money na pinagkaloob ng Asian Development Bank, madadala na sa Pilipinas ang hydropanels.
“This grant is $2,000 multiplied by 40,” paliwanag ni Yongping Zhai, ADB energy sector chief.
“The Philippines’ fragmented geography adds extra barriers for reliance on traditional water infrastructure, yet makes it ideal for our technology to provide families, communities and businesses with drinking water,” paliwanag ni Friesen.
Ang nasabing 40 hydropanels ay nakatakdang i-install sa mga electric cooperatives sa Pangasinan, Bukidnon, Agusan del Sur, Davao del Sur, Bohol, Samar, Davao del Norte at Misamis Occidental.
“We have experienced many drinking water shortages here in the Philippines, which is why we need to look into renewable solutions that won’t add strain to our already overburdened grid,” saad ni Glenn O. Tong, director ng Green Heat, co-partner ng Zero Mass Company sa pagdala sa Pilipinas ng Hydropanels.