TINAGURIANG “Toughest Man Alive” si David Goggins, siya lamang ang natatanging miyembro ng US Armed Forces na nakompleto ang Navy SEAL training, US Army Ranger at Air Force tactical air controller training. At nakapagtala ng pagsali sa 50 endurance races.
Madalas mga problema ang tumutulak sa atin pababa. Ang mabibigat na pasanin na ito ang nagiging dahilan ng pagkakadapa at pagkakalugmok natin. Ngunit para kay David, sa tuwing babagsak tayo dapat ay may mapulot tayong aral nang sa gayon ay maging makahulugan ang ating pagbangon.
Naging mapait ang kabataan ni David, mula sa tahanan hanggang labas ng bahay tila sinubok ng masasamang karanasan si David. Lumaki si David na biktima ng racism, isama pa ang kanyang ama ay nanakit kapag nagagalit. At dahil may kahirapan kailangan niyang magtrabaho para maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral, nariyan ang pinasok niya ang pagpatay ng peste para lamang kumita.
Ang lahat ng hamon na ito ay kailangan niyang harapin kumpara sa ibang kabataan na puno ng liwaliw at pagsasaya.
Isinilarawan ni David ang nakaraan niya na nakakatakot at puno ng insecurities. Bukod sa sinasabi ng iba, kinakarap din niya ang sariling pagdududa dahil sa kanyang obese na timbang na umabot sa 300 pounds at problema sa kalusugan gaya ng asthma at undetected congenital heart defect.
Upang baguhin ang kanyang kapalaran nagsimula sa paunti-unti pagbabawas ng timbang si David. Bago magtapos ng highschool nagdesisyon siya na simulan na paghandaan ang panibagong bersyon ng sarili. Nangarap si David na pasukin ang U.S. armed Forces, pinalakas niya ang kanyang katawan at isipan para makayanan ang mas matinding hamon.
Sundalo at Atleta
Noong 2001 nagtapos si Goggins ng Basic Underwater Demolitions/SEAL. Napabilang siya sa 235 na nagsipagtapos. Pagkatapos nito ay pinasok naman niya ang Army Ranger School, at noong 2004 nagtapos siya sa titulong “TOP Honor Man”.
Dahil sa pinakitang galing at lakas, pinadala sa iba’t ibang war deployments si David gaya ng giyera sa Afganistan at Iraq.
Nagsilbi rin siyang bodyguard ng Iraqi Minister Ibrahan Al-Jaafari.
Habang naglilingkod bilang sundalo, nagagawa niya pang sumali sa triathlons at ultra-marathons, mga larong nangangailangan ng stamina, lakas at endurance. Sa lahat ng kanyang sinalihan ay makailang ulit siyang nag-uwi ng first place o hindi kaya ay laging kasama sa top 5 ng laro.
Noong 2016 tinapos ni David ang Infinitus 88k ang isa sa pinakamahirap at nakakasaid na paligsahan sa buong mundo, inangkin niya ang unang pwesto.
Anim na life lesson mula sa Tougest Man Alive
#1 Mas matimbang ang purpose kaysa motivation
“Motivation is crap. Motivation comes and goes,” wika ni David.
Matapos matunghayan ang pagkamatay ng ilan sa mga kaibigan niyang sundalo, nagningas ang kagustuhan ni David na sumali sa San Diego One Day, isang 24 hour race kung saan ang mga manlalaro ay kailangang tumakbo ng 100 milya. At ang kanyang dahilan para gawin ito ay ang misyon niya na mag-qualify sa iba pang untramarathons. Nang sa gayon ay makakalikom siya ng pondo para sa Special Operations Warrior Foundation, isang NGO na nagbibigay ng college scholarship at educational counseling para sa mga ulilang anak ng mga Special Operations personnel. Nagbunga naman ang lahat ng pagsisikap ni David dahil umabot sa $2 million ang naibigay niya.
#2 Hindi sapat ang lakas lang, dapat mag-isip
Sa huling 30 miles ng pagtakbo ni David, nagkaroon siya ng injury, sa puntong ‘yon hindi na sapat ang lakas lang kailangan din na mag-isip.
“I broke this thing down into small pieces. I said I got to get nutrition; I got to be able to stand up before I can go through the 30 miles. I taped up my ankles, and then my feet, and that’s how I got through that race”
Nagamit ni David ang karanasan niya sa Navy training kung saan sumailalim sila 125 hours ng training hanggang sa tuluyang sumuko sa pagod at hirap ang mga sundalo at sa puntong ‘yon susukatin ang kanilang pag-iisip para gumawa ng desisyon na tama at makatwiran.
#3 Ang 40% rule
“He showed me, proved to me right there that there was so much more, we’re all capable of so much more than we think we are. He would say that when your mind is telling you you’re done, you’re really only 40 percent done”, ani ni Jesse Itzler kaibigan ni David.
Ayon sa pag-aaral, may katunayan ang 40% rule, kahalintulad nito ang mind over matter na kaisipan, ibig sabihin kapag pakiramdam mo na pagod na pagod ka na, 40% pa lamang ang lakas na nasasaid mo. Ang nalalabing 60% ay tila nasa reserve tank na mahirap makuha, ngunit kapag husto ang mindset at ensayo mo maari mo itong mailabas.
#4 Isipin na matatapos mo ang pagsubok
Bago magsimula, i-mental visualize mo na malalampasan mo ang gagawin, anuman ang dumating.
“The mind has to conceive it before the body can achieve it.”
#5 Magkaroon ng Cookie Jar
Hindi ito naglalaman ng matatamis na pagkain, kundi mga gamit ng magpapaalala sa’yo na nalampasan mo ang mga naunang mahihirap na pagsubok.
“Even the toughest man, in times of suffering, we forget how tough we really are”, Goggins.
Bago ka sumuko, balikan mo muna ang mga napagdaanan mo na tagumpay, gaano kalayo na ba ang narating mo? Ito ang magpapa-alala sa iyo na kung nagawa mo noon, makakayanan mo ulit ngayon dahil nadagdagan pa ang kakayahan mo.
#6 Maging handa sa paghihirap, stress at pagod
“Suffering is the true test of life”
Kung masyadong madali ibig sabihin walang gaanong magbabago sa’yo, ibig rin sabihin wala ka ring magagawang pag-unlad sa sarili.
Binahagi ni David sa paghihirap at pagdurusa natin natatagpuan ang mas makabuluhang buhay.
Kapag nahihirapan tayo saka lang tayong napipilitang mag-isip at gumawa ng aksyon. Payo rin ni David, kailangan na hasain ang utak gaya ng pagpapalakas natin sa ating katawan.
“Having lived the life I’ve lived, and having seen the other side, not being afraid to attack what was in front of me, has made me happy.”