DENNIS BLANCO
ANG Commonwealth Act Number 146, o ang Public Service Act ay 80 taon na umiiral na pangunahing batas (maliban sa Saligang Batas) na tumatalakay sa public services sa ating bansa.
Ang mga public services ay may kinalaman sa mga mahahalalagang pampublikong paglilingkod ng pamahalaan sa sambayanan tulad ng pagbibigay ng malinis na tubig, sapat na kuryente, kalidad na edukasyon, mahusay na transportasyon, mahusay na kalusugan, maaasahang telecommunication, malayang media, at ganun na rin ang ligtas na pangangalaga ng mga salapi sa banko.
Subalit batay sa bagong panukala na House Bill Number 78 (HB 78), na naglalayon na amyendahan ang Commonwealth Act Number 146, hinihiwalay nito ang definition ng “public services” sa “public utility”. Ayon sa HB 178 ang mga public services ay partikular na tumutukoy sa mga pampublikong transportasyon, media, telekomunikasyon, edukasyon, banko at iba pang maituturing na public services na di saklaw ng public utility. Nais ng HB 78 na payagan na ang mga banyagang indibidwal, organisasyon at korporasyon bilang pangunahing tagapag-ari , tagapamalakad, tagapamahala at tagapuhunan ng mga ospital, banko, eskuwelahan, media, telekomunikasyon at transportasyon taliwas sa isinasaad ng Commonwealth Act Number 146 na kung saan ang mga indibidwal na mga Filipino, organisasyon at korporasyon ang mga pangunahing tagapag may-ari at tagapuhunan sa mga public services sektor na nabanggit. Samantalang ang “public utility” ay tumutukoy lamang sa mga partikular na sektor na nagbibigay ng tubig at kuryente na ang puwede lamang maging pangunahing tagapag may-ari at tagapuhunan ay ang mga Filipino na mamamayan, organisasyon at korporasyon.
Bukod sa magkaibang definition ng public utility at public service, kasama pa rin sa panukala ng HB 78 ay ang paglipat ng mga gampanin ng ngayo’y di na umiiral na Public Service Commission sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pagtatakda ng pricing rates at mekanismo batay sa reasonable rate of return, ganun na rin ang mga karampatang multa at parusa sa mga lalabag nito.
Para sa mga sumusuporta sa panukala, lalo pang paiigtingin ng HB 78, ang makabuluhang kumpetisyon sa pagitan ng mga lokal at banyaga na siyang magdudulot ng mas mahusay na paglilingkod at murang halaga sa higit na kapakanan ng sambayanang Filipino dahil mabubuwag nito ang matagal na umiiral na paghahari ng monopolyo at oligarkiya. Para naman sa mga tumututol dito, ang HB 78 ay lumalabag sa Section 11, Article 12 ng 1987 Constitution na nagsasaad na ang mga mamamayang Filipino, korporasyon at samahan lamang ay may karapatan sa pag-aari, pamamalakad, pagkontrol at pamamahala ng mga public utilities. Sa bandang huli, ano man ang kahahantungan ng nasabing panukala, ang mahalaga ay ang batas na ito ay nakabatay sa mahusay na katuwiran para sa pambansang kapakanan. Dahil ano mang batas na hindi nakasalig sa tamang katwiran at nakatuon sa pansariling kapakanan lamang, ay isang batas na huwad at hindi makototohanan.