MARGOT GONZALES
NANAWAGAN si Senate Committee on Finance Chairman Sen. Sonny Angara na bilisan pa ang pagsasakatuparan ng pending infrastructure at social projects bago matapos ang taon.
Ayon kay Angara, maliban sa makakatulong ito sa pagsasakatuparan ng mga proyekto ng gobyerno, mapapa-angat pa nito ang tamang paggamit ng pondo para sa ekonomiya ng bansa.
Ito ang tugon ni Angara sa ulat ng Department of Budget and Management (DBM) na halos 96 percent pa lang ng P3.662 trillion national budget para sa 2019 ang nailalabas.
Giit ng senador, kung maisasakatuparan ang tamang paggamit ng pondo, maaari pang makahabol ang ating ekonomiya sa target na seven percent economic growth.
Matatandaang isa sa nakapagpabagal sa pagsasakatuparan ng mga proyekto ang atrasadong pagpasa ng 2019 National Budget.