Ni: John Garcela-Vallada
BAGAMAN hindi pa masyadong ramdam ng publiko ang batas patungkol sa reporma sa buwis, ay umaaray na ang iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon sa bansa.
Presyo ng langis, unang matatamaan
Inaasahang simula ngayong Enero, 2018 papalo na sa mas mataas na dagdag-singil ang presyo ng mga produktong petrolyo sa buong bansa bunsod ng oil tax excise.
Ang diesel ay magdadagdag ng P2.50 kada litro.
Ang gasolina ay mag-aangat ng presyo ng P2.65 sa kada litro.
Ang gaas naman ay papalo ng P3.00 kada litro
Ang LPG ay sisipa sa presyong P1.00 kada kilo
Habang ang AutoLPG ay taas ng P2.50 sa kada litro.
Sa pagsapit naman ng Enero, 2019 madadagdagan muli ang presyo ng petrolyo sa bansa:
Ang diesel ay magdadagdag ng P2.00 kada litro.
Ang gasolina ay mag-aangat ng presyo ng P2.00 sa kada litro.
Ang gaas naman ay papalo ng P1.00 kada litro.
Ang LPG ay sisipa sa presyong P1.00 kada kilo.
Habang ang AutoLPG ay taas ng P2.00 sa kada litro.
Sa unang buwan ng taong 2020 narito ang panibagong pagtataas sa presyo ng petrolyo:
Ang diesel ay magdadagdag ng P1.50 kada litro.
Ang gasolina ay mag-aangat ng presyo ng P1.00 sa kada litro.
Ang LPG ay sisipa sa presyong P1.00 kada kilo.
Ang AutoLPG ay taas ng P1.50 sa kada litro.
Habang ang gaas o kerosene ay walang inaasahang paggalaw sa presyo.
Samantala nauna nang sinabi ng Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Energy (DOE) na hindi agad-agad magtataas sa presyo ng langis hanggat mayroon pang nakalaang stock ang mga oil companies mula noong taong 2017 at sa importation lang ipinapataw ang excise tax.
Inaasahang madadama na ang pagtaas ng presyo sa petrolyo sa ikatlong linggo ngayong Enero.
P12.00 jeepney minimum fare, isinusulong
Unti-unti nang umaaray ang mga tsuper ng jeepney bunsod ng pagtaas sa presyo ng diesel na pangunahing kailangan ng isang jeepney, ay isinusulong naman ang mas mataas na pasahe sa minimum fare nito na mula sa P8.00 ay tataas na sa P12.00.
Posibleng P4.00 ang ihahabol ng Pasang Masda sa petisyon nito mula sa P2.00 sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)
“Siguro gagawin naman diyan, since P10.00…baka mag-file kami ng P12.00,” ayon kay Roberto “Ka Obet” Martin, presidente ng pasang Masda.
“Mabigat talaga ito, pero anong gagawin namin? Saan naming bubunutin yan (patungkol sa dagdag-singil sa petrolyo)? Saan naming huhugutin yung tatlong piso? Ang jeepney driver kasi ang magbabayad ng boundary sa operator, sila rin ang magbabayad sa diesel, yung comsumption for the whole day of operations bago pa sila kikita. At the end of the day ang mahihirapan dito mga mahihirap nating mananakay, sila ang tatamaan at ito’y magkakaron ng domino effect pati sa mga pangunahing bilihin,” dagdag ni Martin
Samantala, ang sinasabing ayuda sa mga tsuper ng Public Utility Vehicle (PUV) mula sa gobyerno ay di pa ganoon kahanda.
“Mukhang babawi kami…mukhang babawi ang gobyerno. Inutos naman ano…ah ng ating mga pinuno by the president to work on it as soon as possible,” ani Department of Energy Assistant Secretary Leonido Pulido III .
P16.00/Km na presyuhan sa metro ng taxi, inihihirit
Dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado bunsod ng reporma sa pagbubuwis, inihihirit naman ngayon ang P16.00 sa kada kilometro na itatakbo ng taxi sa metro nito
Ayon kay Philippine Taxi Operators Association (PNTOA) President Bong Suntay, “Ang magiging epekto niyan is mas lalong kakaunti yung taxing bumabiyahe. Tapos nun maaaring tumaas yung insidente ng driver na nagongontrata o ayaw magsakay o mamili ng pasahero.”
“Hindi naming tino-tolerate. In fact, ang operator mas gustong wag na lang bumiyahe ‘yung sasakyan kaysa ibiyahe ito ng may complaint lang ng pasahero,” dagdag ni Suntay.
Sa ngayon wala pang kumento ang LTFRB sa dagdag presyo kada kilometro ng mga taxi sa bansa.
Presyo ng mga sasakyan, magtataas na rin
Ang excise tax ay sasaklaw din sa mga pangmasang sasakyan na dulot ay pagtaas din ng halaga.
Halimbawa na lamang ng isang Vios (1.3J) na nasa P637,000 ang presyo ngayon ay tiyak na papalo na sa P648,415 ang halaga.
Ang Wigo na nasa P473,000 na presyo ay aakyat sa P481,476 na halaga.
At ang Avanza naman na nasa P675,000 na halaga ay sisipa na rin pataas sa presyong P687,000.