EDWINA ALVAREZ
SA panahon ngayon, marami ang nais magtayo ng sariling negosyo. Marahil ito ay dala ng paghahanap ng alternatibong pagkakakitaan ng hindi kinakailangang mag empleyado o mangamuhan. Maari din na may bagong oportunidad na nais subukin na makapagbibigay ng bagong layunin sa buhay.
Anuman ang dahilan, di maitatanggi na ang pagnenegosyo ay bahagi na ng kaisipan ng mga Filipino. Ang magandang balita, nagkakaroon din ng mas malalim na dahilan ang pagpasok sa negosyo maliban sa kagustuhang kumita.
Para kay Camille Albarracin, may ari ng kumpanyang Everything Green, may mas malalim na dahilan ang pagtatayo ng negosyo. Ito ay ang masidhing adbokasiya na mabigyan ng halaga ang kalikasan.
Ang trabaho sa hospitality industry ang nagbigay kamalayan kay Camille tungkol sa “going green” at “green initiatives.” Marso 2018 nang iwan ni Camille ng tuluyan ang kanyang trabaho para makapagpahinga mula sa stress ng kanyang trabaho at maisakatuparan ang hiling nilang magasawa sa Diyos na magkaroon ng anak. Ngunit isang magandang pagkakataon pala ang naghihintay sa kanya.
Natatanging pagkakataon
Naging consultant si Camille ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa mga sustainable events at tagapagsulat ng mga manual para sa mga sustainability projects ng naturang kagawaran. Ito na ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makasalamuha ang iba’t ibang komunidad na nasasaklaw ng community based forest management.
Ang layunin ng mga ito ito ay makapagpatayo ng mga negosyong pangkabuhayan na hindi masira ang mga kagubatan sa kanilang komunidad.
Isa sa mga komunidad na ito ang nagpakita sa kanya ng sample ng mga “bakbak” o pinatuyong abaca leaf sheaths. Dito na sila nagsimulang mag-isip kung anu ang pwedeng maging produkto mula sa mga ito. Ang komunidad na ito sa Labo, Camarines Norte ay kilala rin sa paggawa ng mga sandalyas. Ang natural nilang kaalaman sa paggawa ng sandalyas at ang maraming supply ng bakbak ay tila mga ideyang kailangan na lamang pagsamahin upang makapagtatayo ng isang negosyong pangkabuhayan para sa komunidad na ito.
Nakita rin ni Camille na puede siyang maging tulay sa pagdadala ng mga sandalyas na ito sa mga hotel. Isa sa mga malalaking generator of waste ay ang mga hotel. Bahagi ng solusyon na nakita ni Camille upang maisulong ang “going green” ay ang pagdala ng mga Gree-ne-las sa mga hotel.
Makabuluhang simula
Nagsimulang gumawa ang komunidad ng prototype ng tsinelas na gawa sa bakbak. Agosto ng nakaraang taon nang masubok ni Camille kung tanggap ba ng mamimili ang mga tsinelas na gawa sa bakbak sa isang garage sale ng isang kilalang eskwelahan. Ikinagulat ni Camille nang maubos ang 50 pairs ng tsinelas na wala pa halos isang oras. Natuwa ang mga mamimili sa bagong konsepto at pagiging eco-friendly ng produkto. Ito rin ang nagbigay daan para sa marami pang events para maipakilala ang mga tsinelas gawa sa bakbak. Pagkatapos mapatunayang tanggap ito ng marami, sinimulan na ni Camille na ipakilala ang mga ito sa mga hotel.
Gree-ne-las
Dito na kinailangan na bigyan ng sariling pangalan ang mga tsinelas. Para maipakitang ito ay gawang Filipino at ang pagiging eco-friendly ng mga tsinelas, pinangalanan itong Gree-ne-las. Mapalad na nai-feature na ang Gree-ne-las sa ilang TV shows na sumusuporta rin sa parehong adbokasiya. At kasunod nito ang sunod sunod na ring pag-order ng iba’t ibang establisimyento. Naging epektibong paraan ito ng Everything Green para maiparating sa nakararami ang kanilang mensahe na ingatan ang kalikasan.
Sinusubok din ng kumpanya hanggang sa kasalukuyan na mapasok ang industriya ng mga hotel. Mahirap man dahil sa malalaking kompetisyon, hind ito nakikitang hadlang na isulong ang kanilang adbokasiya. Patuloy din si Camille sa pagbibigay kaalaman at opsiyon sa mga hotel na kunin sa mga lokal at eco-friendly suppliers ang mga hotel supplies nito. Nagbibigay din ang Everything Green ng training sa iba’t ibang kompanya at unibersidad sa pagsulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Di lamang para sa kalikasan
Ang mga manggagawa ng Gree-ne-las ay galing sa marginalized na komunidad ng Labo, Camarines Norte. Sa ngayon ay limang manggagawa ang full time na trabahador ng Everything Green. Ngunit kasama ang buong komunidad sa proseso, mula sa mga magsasaka ng abaka hanggang sa mga nagpupulot ng bakbak, lahat ng ito ay galing sa marginalized na bahagi ng nasabing komunidad. Maging ang tarheta ng Gree-ne-las ay gawa ng mga PWD mula naman sa lungsod ng Quezon City. Ang mga tauhan para sa pagbuhat at pagdeliver ng product ay mula sa grupo naman ng mga deaf and mute.
Isa lamang ang Gree-ne-las sa marami pang produkto na nais ipamahagi ng Everything Green. Ika nga ng tag line ng kumpanya, “Take the right step” tungo sa sustainable at zero waste na pamumuhay. Sa hinaharap nais ni Camille na makapamahagi pa ng iba’t’ ibang produkto tulad ng sponge na gawa sa coco coir, teabags na gawa ng mga lokal na magsasaka at marami pang iba.
Marami pang komunidad at PWD’s ang matutulungan ng negosyong ito. Isa lang ang mensahe ni Camille para sa lahat: “Be mindful of the things you throw away and be thankful to mother nature. Awareness is always key. If you don’t need it don’t buy it. Take the right step to sustainable choices and go green.”
Maaring isa lamang si Camille sa dumaraming tao na nakapagtayo ng negosyo na may ganitong adbokasiya, ngunit di maitatanggi na maliit man o malaki ang hakbang na gawin tungo sa pangangalaga sa kalikasan ay mayroon itong malaking epekto na pangkalahatan di lamang sa mga taong nabubuhay sa kasalukuyann kundi lalo na sa mga henerasyon sa hinaharap.
Source: Facebook
Ito ang prototype ng Gree-ne-las na maaring
alternatibo sa mga tsinelas na karaniwang ipinasusuot
ng mga hotel sa kanilang mga guest. Gawa ito sa
pinatuyong abaca leaf sheaths.
Source: Facebook
Si Gng. Camille Albarracin, may-ari ng kumpanyang Everything Green, habang kasama ang isa sa mga manggagawa ng Gree-ne-las mula sa isang marginalized na komunidad sa Labo, Camarines Norte.
Source: Facebook
Layunin ni Ms. Camille na maitaas ang awareness tungo sa sustainable at zero waste lifestyle sa pamamagitan ng pagsusupply ng mga eco-friendly products tulad ng Gree-ne-las.
Source: Facebook
Mula sa pagsasaka, pagpupulot ng bakbak at paggawa ng
mga Gree-ne-las, isang marginalized na komunidad sa Labo,
Camarines Norte ang natutulungan ng Everything Green.
Source: Facebook
Kay gandang pagmasdan ng mga Gree-ne-las! Di lamang ito nakakatulong sa
kalikasan, ang mga manggagawa sa likod nito ay mga marginalized na komunidad
at mga PWD.