NILINAW ng Philippine Association of Meat Processsors Inc. o PAMPI na ligtas kainin ang mga locally processed pork-based products sa bansa sa kabila ng paglaganap ng African Swine Fever (ASF) sa Pilipinas.
Ayon kay PAMPI Spokesperson Rex Agarrado, umaangkat lamang ng raw pork materials ang kanilang hanay sa mga bansang walang ASF kaya natitiyak nila na hindi carrier ng virus ang kanilang mga produkto.
Kinontra din nito ang total ban na ipinataw ng ilang local government units gaya ng Cebu at Bohol sa pagbebenta at pagtanggap ng mga processed pork- based products sa paniniwalang carrier ang mga ito ng virus.
Nilinaw ni Agarrado na niluto sa mataas na temperatura ang processed meat o processed pork-based products sa 70 °C hanggang 116 °C sa tagal na 40 hanggang 60 minuto kaya walang anumang virus ang kakapit dito.
Mas mataas ang cooking temperature ng PAMPI kung ikukumpara sa datos ng World Organization for Animal Health kung saan tinukoy ang killing temperature sa ASF virus sa 56 hanggang 70 °C o katumbas ng 60 degree centigrade sa tagal na dalawampung minuto kaya ligtas ang mga produkto ng PAMPI.
Samantala, nananawagan naman ang PAMPI sa Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Local and Interior and Local Government (DILG) lalo na sa Department of Health (DOH) na gumawa ng kautusan upang ilagay ang “processed meat products” sa guidelines para sa distribusyon ng mga processed pork products sa bansa.
Sa kasalukuyan kasi, hindi kasama ang lahat ng mga “processed pork-based” products sa guidelines na ipinalabas ng pamahalaan kaya sakop ng ban ang ang mga produkto ng PAMPI.
EYESHA ENDAR