Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Bahagi ng buhay ang makaramdam ng kalungkutan bunga ng iba’t-ibang mga pangyayari at sitwasyong kinakaharap natin tulad paglisan ng isang mahal sa buhay, tampuhan ng magkasintahan o magkaibigan, mabigat na suliranin; at maging ng mga masasamang balitang ating nasasagap mula sa media. Pero kung tila hindi ka na nilulubayan ng kalungkutan, posibleng mayroon kang kondisyon na tinatawag na depression.
Ang depression ay isang mental illness na nakakaapekto hindi lamang sa emosyon at pag-iisip ng isang tao kung di maging sa takbo ng kaniyang pamumuhay. Ilan sa mga sintomas nito: hirap sa pag-concentrate, pagiging malilimutin, madaling mapagod, pagkaramdam ng kapaguran kahit nakapagpahinga na, kawalan ng gana sa pagtatrabaho at sa mga gawaing dati naman ay kinagigiliwan, labis o walang ganang kumain, hirap makatulog o labis na pagtulog, pananakit ng ulo at katawan, pananaw na hopeless at walang saysay ang lahat ng bagay, at ang pag-iisip na magpakamatay.
Ayon sa clinical psychologist na si Dr. Margarita Holmes, ang depression ay nakapagpapabago sa isang tao, at hindi ito basta-bastang nalulunasan.
“Depression is a thief it takes a way your joy, sense of wonder, the taste of your favorite food, even the smell of freshly washed hair… Most painfully, depressions steal you away from yourself. For many, one of the worst things they fear is whether their real selves will ever come back,” wika ni Dr. Holmes sa kaniyang aklat na Down to 1 Depression Stories.
“You know you are depressed because nothing you buy, no country you go to, all expenses paid, first class all the way, no person you can be with, can lift you out of, even distract you from, the low mood you’re feeling.”
Kahit sino ay posibleng tamaan ng depression—mula sa ordinaryong mamamayan hanggang sa mga kilalang personalidad sa lipunan. Kamakailan, nasaksihan ng mundo na ang lupit ng naturang “silent killer” nang magsuicide ang 41-year old lead vocalist ng sikat na bandang Linkin Park na si Chester Bennington dahil sa depression, sa kabila ito ng kanyang matumpay na career. Nagpost pa ang biyuda niyang si Talinda ng isang video na nakuhanan 36 oras bago ang insidente ng pagpapatiwakal kung saan makikitang masayang nakikipaglaro si Bennington sa kaniyang anak—katunayan ng pagiging komplikado ng nasabing kondisyon.
Maging ang mga tanyag na Hollywood comedians na sina Jim Carrey at Robin Williams ay hindi rin nakaligtas sa depression sa kabila ng kanilang husay at mataas na energy sa pagpapatawa. Naka recover si Carrey, ngunit, sa kasamaang palad, nagpakamatay si Robin Williams noong 2014.
Dito sa Pilipinas, ang award-winning na film director ng mga pelikulang Scorpio Nights at Oro Plata Mata na si Peque Gallaga ay nagkaroon din ng depression na ganito niya inilarawan: “The feeling of helplessness: you are in a hole, and there’s nothing that you do that gets you out of it. I think that even if I felt relieved by what my doctor told me was a recognized condition…also you felt that everyone around you is going through a bad time because of you, and there’s nothing you can do.”
Sa kabila ng pagiging masalimuot, ang depression ay isa sa mga mental disorders na maaaring namang malunasan sa tulong ng mga eksperto. Ang ilan sa mga epektibong paraan ng treatment sa depression ay ang pag-inom ng antidepressant medications; Electroconvulsive Therapy, na naimbento noong 1940’s kung saan sumasailalim ang utak ng pasyente sa electrical simulation, at Psychotherapy o “talk therapy”. Kaya naman maiging kumunsulta sa isang psychiatrist kung nararanasan ang mga sintomas ng nasaing sakit..
Samantala, mayroon din namang mga tips na makakatulong upang malabanan ang matinding kalungkutan:
Eat Healthy
Ayon kay Ian Cook, MD, psychiatrist at direktor ng Depression Research and Clinic Program sa University of California, sa Los Angeles, ang pag-intake ng omega-3 fatty acids (na taglay ng salmon at tuna) at folic acid (na mayroon sa spinach at avocado) ay makakatulong kontra depression.
Sapat na pagtulog
Bagaman may problema sa pagtulog ang isang taong may depression, nirerekomenda ng mga eksperto na, hangga’t maaari, ay sikaping makatulog ng sapat upang gumanda ang mood. Para makatulog ng mahimbing ay patayin ang computer at TV.
Mag-exercise
Ayon sa mga research, malaki ang naitutulong ng pag-e-ehersisyo sa pagpapaganda ng mood ng isang tao dahil ni-re-release nito ang “feel good” na neurochemicals na endorphins sa katawan. Bukod dito ay tumataas din ang self-esteem, nababawasan ang stress, at gumaganda ang tulog ng isang taong nag-e-exercise.
Tumawa
Ano pa ba ang isang mabisang pangontra sa lungkot, kung di ang pagtawa, hindi ba? Kaya kung nakakaramdam ng matinding kalungkutan, manood ng mga nakakatawang pelikula at comedy shows sa TV, pumunta sa comedy bar, o magbasa ng mga compilations ng mga jokes. Napagagaan ng pagtawa ang mabigat na emosyon at nakapagbibigay ito ng inspirasyon sa isip maari pang bumuti ang kalagayan ng pasyente.
Usap-tayo, kaibigan
Mas mahirap labanan ang depression kung sasarilihin ito. Kaya wag mahiyang i-share ito sa taong malapit at pinagkakatiwalaan mo.
Kung ang isang mahal sa buhay o kaibigan ang may depression, makabubuting enganyohin sila na ilabas at pagusapan ang kanyang pinagdadaanan, pero wag siyang i-judge at iwasan ang masasakit na salita dahil baka lalo pang mapabigat nito ang kaniyang nararamdaman.
Maaari rin tawagan ang Hopeline, isang hotline na inlunsad ng Department of Health at ng Natasha Goulbourn Foundation, na maaaring tawagan ng mga taong dumaranas ng depression kung saan makakausap nila ang mga responders na trained ng mga psychologists at psychiatrists upang sila ay madamayan at matulungan. Mako-contact ang Hopeline sa mga numerong 0917 558 4673, (02) 804 4673, at toll-free number 2919 para sa mga Globe / Touch Mobile subscribers