Hinangaan ng basketball players at fans ang 50-point game ni Minnesota Timberwolves point guard Derrick Rose, na lubhang naapektuhan ang career ng injuries.
Ni: Quincy Joel Cahilig
PINAHANGA ni Derrick Rose ang basketball fans sa buong mundo sa kanyang makapigil hiningang performance sa laban ng Minnesota Timberwolves kontra Utah Jazz kamakailan, kung saan nakapagtala siya ng panibagong career-high na 50 points, kasama ng 4 rebounds, 6 assists, at 2 steals.
Kagila-gilalas nga ang ipinakitang laro ni “D-Rose,” na dating NBA most valuable player (MVP) sa gabing yaon para buhatin ang Timberwolves kahit wala ang dalawang starters nito. Nguni’t ang mas hinangaan ng lahat ay ang kanyang tatag ng loob at pagsusumikap na makabangon muli mula sa pagbagsak ng kanyang career upang patunayan sa mundo na walang imposible sa pusong pursigido.
FROM GLORY TO TRAGEDY
Itinuring na “hometown hero” si Rose sa Chicago dahil sa maraming parangal at championships na iniambag niya sa kaniyang high school na Simeon Career Academy. Noong 2009, pinangaralan siya ng ESPN RISE bilang third greatest high school point guard ng dekada 2000.
Taong 2010 nang siya ay makapasok sa NBA bilang first overall draft pick ng Chicago Bulls. Agad siyang nagmarka sa liga dahil sa kanyang explosive scoring style, na unstoppable drives to the basket.
Sa 2010-11 NBA season, pinangunahan ni Rose ang Bulls sa league best record na 62 wins, 20 losses at sa edad na 22, pinarangalan siya bilang MVP —ang pinakabatang player na tumanggap ng nasabing award sa kasaysayan ng liga.
Subali’t nagsimulang madiskaril ang karera ni Rose noong sumunod na season nang siya ay magkaroon ng torn ACL injury sa Game 1 ng playoffs, at di na niya natapos ang season.
Ang ACL ay isang maliit na kumpol ng connective tissue sa tuhod na kapag napunit ay malaki ang epekto sa athletic abilities. Bagama’t mayroon nang mga modernong surgery methods para mas epektibong mapagaling ang torn ACL, hindi na maaring maibalik sa 100 porsyento ang liksi ng atleta. Kaya ang torn ACL ay itinuturing na career-ending injury ng mga atleta.
Matapos noon ay naging sunod-sunod na ang injuries na natamo ni Rose sa loob ng 2013-2016 seasons, na dahilan ng pagliban niya sa mahigit 200 na laro.
Noong 2016-17, na-trade si Rose ng Bulls sa New York Knicks. Nang sumunod na season ay kinuha naman siya ng Cleveland Cavaliers pero hindi rin nagtagal at na-trade rin siya.
Tila ibinalik ni Rose ang kanyang MVP mode sa laban kontra Utah Jazz kamakailan.
D-ROSE RISES AGAIN
Dahil sa pagiging injury-prone, marami ang nagsabing pabagsak na ang career ni D-Rose. At ang pagkuha sa kanya ng Timberwolves ay itinuturing ng ilan na pampalubag loob sa kanya ni coach Tom Thibodeau, na dati niyang coach sa Bulls.
Pero binasag ni Rose ang mga pagdududa nang kaniyang pangunahan ang Timberwolves para talunin ang Utah Jazz, ang kuponan na nag-trade kaagad kay Rose sa Minnesota, matapos siyang kunin sa isang trade sa Cavaliers last season.
Tila ibinalik ng 30 anyos na point guard ang kanyang dating husay noong prime years niya sa Chicago, makagawa ng 50 puntos sa loob ng paint at labas ng three point arc para sa 128-125 win. Ang 34 na puntos ay kanyang naitala sa second half ng laro sa bisperas ng Halloween.
Pagkatapos ng game ay naging emosyonal si Rose, habang isinisigaw ng 10,000 fans sa kanyang homecourt ang “MVP! MVP!” bilang pagsaludo sa kaniyang outstanding performance.
“This means everything. I worked my butt off, bro,” wika ni Rose sa post-game interview.
“I am doing everything just to win. I played my heart out tonight. My teammates told me before the game to just play my game and it was a hell of a night,” dagdag niya.
Samantala, nagpahayag ng paghanga sa kanya ang kapwa NBA stars.
“It was numbing,” paglarawan ng teammate na si Karl-Anthony Towns, na nakapagtala ng 28 points, sa laro ni Rose. “I never realized something like that in my life. The man was just out there floating.”
“This is so dope man! Can’t imagine the down days, weeks, months and years he went through. 50 ball! So much respect bro,” ang tweet ni three-time NBA champion Stephen Curry.
“Every Basketball fan in the world should feel good for D-Rose. Tonite was an example of never giving up on yourself and when others believe in you. Amazing things can happen. I’m smiling like I scored 50! Congrats to a good dude,” wika ni Miami Heat superstar Dwayne Wade sa kanyang social media post.