Ni: Melchor Bautista
MALAKING gulat sa buong showbiz hanggang sa ibang bansa ang naging pagsikat ni Alden Richards (Richard Reyes Faulkerson, Jr. na isinilang noong January 2, 1992). Hindi maipaliwanag kung anong karisma mayroon siya at kung bakit magaan ang loob ng mga tao sa kanya.
Napatunayan ng biglang pag-init ng popularity ng Pambansang Bae, na hindi puwedeng ipagyabang ng sino mang artista ang kanilang kasikatan. Dahil puwedeng mangyari na sikat sila ngayon, pero bukas ay iba na ang may hawak ng katanyagan.
Hindi nalunod si Alden ng kanyang tagumpay, kahit na may mga naiinggit sa ka-nyang popularity, ay mara-ming kilalang personalidad sa bansa, pati na mga beteranong artista maging ang mga kasalukuyang sikat na mga artista sa showbiz ay nagpa-kita ng paghanga at pagkilala kung saan nakarating ang kasikatan ng guwapong aktor.
PRINSIPE NG KALYESERYE
Napansin na noon ang kahusayan ni Alden, pero kahit kilala na siya bilang Kapuso star ay parang huminto ang kanyang pagsikat. Kaya naman ipinagpapasalamat niya na napasama siya sa “Eat Bu-laga” at nakasali sa kal-yeserye, at doo’y nabuo ang tambalan nila ni Maine Mendoza, ang AlDub na minahal ng masa. Hindi na napigilan at naramdaman na sa showbiz ang kanyang tuluyang pagsikat.
IYAKIN SI MR. GUWAPO
Napaluha si Alden nang mapuno ng billboard ng kanyang mga product endorsements ang kahabaan ng EDSA ganu’n din sa mara-ming parte ng Pilipinas.
Mababa ang kanyang luha, dahil kahit siya ay hindi makapaniwala sa pagbabago ng kanyang kapalaran sa tagumpay na nakamtan.
Ikinalulungkot din niya na pumanaw ang kanyang mommy na si Mrs. Rosario Reyes Faulkerson at hindi na nasaksihan pa ang ka-nyang tuluyang pagsikat. Si Mommy Rosario noon ang pursegido na mag-artista ang kanyang anak.
PAANO NAKALUSOT?
Nahirapan din si Alden bago sumikat. Ang GMA-7 noon ay nakatutok sa kasikatan nina Richard Gutierrez, Dingdong Dantes, Dennis Trillo at Tom Rodriguez. Habang sa kalabang network ng Siyete, sa ABS-CBN ay naroon ang kasikatan nina Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, Enrique Gil, James Reid at Daniel Padilla.
Naranasan noon ni Alden ang sumali sa ilang male beauty pageants sa Laguna at nanalo siyang Ginoong Sta. Rosa 2009 at Ginoong Laguna 2010. Sinubukan din niyang sumali sa StarsStruck at Pinoy Big Brother: Teen Clash of 2010 pero hindi siya sinuwerte na doon ay mapansin. Hindi siya sumuko, bagkus ay itinuring niyang baka hindi pa niya talaga panahon noon para mapansin sa showbiz.
ANG CARMELA NI ALDEN
Naramdaman na talaga ang posibilidad ng pagsikat ni Alden, dahil noong 2014 ay ipinagkatiwala sa kanya ng GMA-7 na maging leading man ni Marian Rivera sa teleseryeng “Carmela”. Ang magandang aktres na tinawag noong Primetime Queen ng Siyete, kaya para kay Alden ay napakalaking karangalan na pumayag si Marian na siya ay makapareha.
PABORITO NG PRESS
Kahit naging leading man na ni Marian Rivera sa tele-serye, ay hindi pa rin naging mayabang si Alden. Magiliw siya sa mga manunulat sa showbiz. Kahit sa sulok-sulok lang ng studio ay puwede siyang tawagin at i-ambush interview. Kahit pagod ay hindi niya iyon ipinahahalata sa press. Bagkus ay lagi siyang nakangiti, honest at masa-yang kausap. Kaya naman isang masayang oras na siya ay interbyuhin.
Isang pumanaw na writer ng PEP noon na si Ruben Marasigan ang nagsabing: “Napakabait ni Alden, hindi katulad ng ibang sikat na artista na parang nagpapahabol at nagpapahirap sa press para sila mainterbyu. Iba si Alden, guwapo na ay lagi pang hindi maangas. Hindi showbiz ang ugali.”
KAKAMBAL NG SUWERTE
Patuloy na napapatunayan ngayon ni Alden ang ka-nyang kasikatan at talento kahit mayroon siyang project na hindi kapareha si Maine, ‘tulad ngayon sa bago niyang pinagbibidahang teleserye sa GMA, ang “Victor Magtanggol”.
Pero hindi inaalis ng guwapong aktor ang kanyang pasasalamat, na nagkatulu-ngan sila ni Maine para sabay nilang marating ang tagum-pay na patuloy nilang parehong ine-enjoy sa ngayon.
SA ITAAS NG TAGUMPAY
Mayaman na si Alden sa kabuhayan, dahil napakasipag niya sa career. Time is gold, para sa kanya. Pero hindi siya pinagbago ng kanyang kasikatan. Mahirap siyang basta lapit dahil sa mga taong pumoprotekta bunga ng pa-nganib na baka siya ay laging dumugin at masaktan ng hindi maiiwasang panggigigil at kasabikan ng mga fans.
Pero ang totoong Alden sa likod ng kamera ay ang dati pa ring Alden Richards na naroon ang simpleng ugali. Na maamo sa mga tao na nagmamahal sa kanya bilang simpleng tao at idolo.