HANNAH JANE SANCHO
IPINAGMALAKI ng Malacañang ang pagiging overall champion ng Pilipinas sa katatapos lamang na 30th Southeast Asian Games.
Sa pahayag ng Malacañang, binati ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang mga miyembro ng Philippine contingent sa pagkakasungkit sa overall champion na may record breaking na 149 gold medals.
Binati rin nito ang lahat ng atleta at support staff na nakilahok sa SEA Games dahil sa kahanga-hanga aniyang ginawa ng mga ito sa pagbibigay ng karangalan na maipagmamalaki sa kani-kanilang bansa.
Nasaksihan din aniya ng lahat ang maayos na ugnayan, camaraderie at sportsmanship ng mga bansang kasapi sa Southeast Asia.
Dagdag pa ng kalihim na tama ang campaign slogan ng SEA games ngayong taon na “We Win As One”.
Samantala, opisyal nang ipinasa ng Pilipinas ang susunod sa pagho-host ng SEA games sa Vietnam.
Samantala, umani ng papuri at pasasalamat mula sa mga sports officials at atletang dayuhan ang pagho-host ng Pilipinas sa naturang aktibidad.
Ito ay dahil sa pag-iral ng pusong Pinoy kahit kapalit nito ang siguradong pagkapanalo sana ng gintong medalya.
Lubos ang pasasalamat ng mga Indonesian sports officials kay Pinoy surfer Roger Casugay matapos nitong iligtas sa tiyak na kapahamakan ang karibal na Indonesian surfer na si Mencos Cosomen habang naglalaban sa isang surfing event sa Monaliza Point sa La Union.
Nangunguna sa kompetisyon si Casugay ngunit isinantabi nito ang panalo ng gintong medalya at binalikan si Cosomen hanggang ligtas na naibalik sa pampang.
Todo-todo pasasalamat din ang ipinaabot ng koponan ng Timor Leste sa mga Pinoy dahil sa suporta na manalo ang koponan ng medalya sa palaro.
Bumilib naman si Thailand Lawn Bowl coach Daniel John Simmons sa world class sports facility sa Clark Freeport na isa sa mga naging venue ng Lawn Bowl Competition.
Namangha naman ang Malaysian official na si Abdul Kader, Director General ng International Sepak Takraw Federation sa venue ng Sepak Takraw sa Subic Gymnasium na tinawag niya itong pinakamagandang Sepak Takraw Venue sa kasaysayan ng SEA Games.
Dahil sa magandang pagho-host ng bansa sa 30th SEAG, hinikayat ni Olympic Council of Asia Vice President Wei Jizhong ang Pilipinas na lumahok sa bidding para sa 2030 Asian Games.
PNP, nagpupugay rin
‘Mission accomplished’ namang maituturing ang Philippine National Police (PNP) sa natapos na SEAG sa pamamagitan ng engrandeng closing ceremony sa New Clark City, Tarlac.
Ayon kay PNP Officer-In-Charge Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa, ikinararangal ng pambansang pulisya ang kanilang naging papel sa matagumpay na hosting ng Pilipinas sa naturang palaro.
Kinilala rin ni Gamboa ang kooperasyon at suporta ng publiko sa maayos na pagdaraos ng palaro.
Aabot sa 27,000 pulis ang dineploy ng PNP sa iba’t ibang mga lugar na pinagdausan ng SEAG at maging sa ibang mga lugar na binisita ng mga atleta para tiyakin ang seguridad ng mga dayuhan at lokal na panauhin.
Mga kontrobersiya sa hosting SEAG, pinaiimbestigahan sa Kamara at Senado
Naghain ang Makabayan Bloc sa Kamara ng resolusyon para paimbestigahan ang hosting ng Pilipinas sa kakatapos lamang na SEAG.
Sa ilalim ng House Resolution 602, inaatasan nito ang House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan, in aid of legislation, ang mga kontrobersiyang lumutang sa paggamit ng pondong inilaan sa biennial sporting event.
Maging ang Senado ay hinikayat din ni Sen. Panfilo Lacson na ituloy ang imnbestigasyon kahit nag-overall champion ang Pilipinas.
Sinabi ni Lacson na dapat ihiwalay ang panalo ng mga atleta sa isyu ng organizing committee.
Iginiit naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano, head ng Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC), na handa siyang harapin ang anumang imbestigasyon laban sa kanya.
Mahigit kalahating bilyon, inisyal na kinita ng Pilipinas – DOT
Umaabot sa mahigit kalahating bilyon ang naitalang kita ng bansa ayon kay Tourism Sec. Bernadette Fatima Romulo-Puyat, inisyal na report pa lamang ito at maaari pang lumobo kapag natanggap na nila ang datus mula sa iba pang tanggapan.
Umaasa si Puyat na aakyat pa ang revenue figure dahil maraming turista ang nagpasya na manatili at mamasyal sa bansa matapos ang makulay na closing ceremony ng SEAG sa New Clark City, sa Capaz, Tarlac.