DPWH
Sinombre Drive, sagot sa pagsikip ng daloy ng trapiko sa Las Piñas
Pinas News
Sinombre Drive, binuksan na sa publiko layon nito na maibsan ang sumisikip na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Las Piñas City.
Ang inagurasyon ay pinangunahan mismo ni Senador Cynthia Villar na kilalang tubong Las Piñas at ang anak nitong si DPWH Secretary Mark Villar na siya namang nagpatupad ng proyekto.
Kasama sa ribbon cutting ceremony ang mga City government officials at Barangay leaders.
Ang Sinombre Drive ay may habang 500 meters na katabi ng Sinombre Creek.
Dinudugtong nito ang Alabang-Zapote Road at Zapote River Drive.
Direkta namang makakabenipisyo sa Sinombre Drive ang mga residente ng Pamplona Park Subdivision, sterlinglife homes, remarville at Pamplona Homes ng Las Pinas.
4th phase ng Zapote River Drive Road, pinasinayaan
Pinas News
PINAGUNAHAN mismo ni Senator Cynthia Villar ang inagurasyon ng 4th phase ng Zapote River Drive Road Project, upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko at pagbaha sa Las Piñas City. Sinamahan si Villar nina DPWH Sec. Mark Villar, Mayor Imelda Aguilar kasama ang local government officials at homeowners ng iba’t ibang subdivisions sa Las Piñas.
Mula sa labinlimang kilometrong river drive project sa kahabaan ng Zapote Riverside umabot na ngayon sa sampung kilometro ang natapos sa nasabing proyekto.
Katuwang sa naturang pagpapasinaya si Senate Agriculture and Food Committee Chairman, at Founder ng Villar Sipag Senador Cynthia Villar.
Umaasa ang senador na makatutulong ang nasabing proyekto sa mas magaang daloy ng trapiko sa lungsod at maibsan ang mabilis na pagbaha sa lugar.
Dumating din sa nasabing programa si Public Works and Highways Secretary Mark Villar.
Sakaling matapos ang kabuuang 15 kilometer river drive project, tinatayang libu-libong motorista ang makikinabang dito sa alternatibong daan na nagdurugtong sa Brgy. Zapote hanggang sa may bahagi ng Daang Hari malapit sa Alabang, Muntinlupa.
2018 National Budget: Saan nga ba mapupunta?
Si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kasama sina Senate President Aquilino Pimintel III (pangalawa sa nakaupo sa kaliwa), House Speaker Pantaleon Alvarez (nakaupo sa dulong kanan), at ng iba pang mga mambabatas sa Ceremonial Signing ng 2018 General Appropriations Act at Tax Reform Acceleration and Inclusion sa Malacañang Palace.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
BAGO matapos ang taong 2017 ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2018 General Appropriations Act (GAA) o mas kilala bilang 2018 National Budget, na base sa 2018 Proposed Budget na isinumite ng administrasyon sa Kongreso noong Hulyo 24, 2017, ang araw ng ikalawang State of the Nation Address ng Pangulo.
Ang 2018 National Budget ay masusing tinalakay sa Kongreso at Senado, ang pagpupursiging maisakatuparan ang mga pangako ng pangulo sa sambayanan mula pa sa kanyang kampanya (‘’Tunay na pagbabago tungo sa matatag, maginhawa, at panatag na buhay ng bawa’t Pilipino.’’)
Breakdown ng alokasyon kada sektor
Ayon sa statement ng Department of Budget and Management (DBM), ang enacted obligation budget para sa Fiscal Year 2018 ay nagkakahalaga ng P3.767 trillion, na mas mataas ng 12.4 % sa 2017 National Budget. Ang nasabing halaga ay katumbas ng 21.6 % ng Gross Domestic Product ng bansa na gagamitin sa implementasyon ng iba’t ibang programa ng gobyerno, lalo na ng mga Human Capital Development at Infrastructure Projects.
Pinakamalaking bahagi ng GAA ay inilaan para sa social services na nagkakahalaga ng P1.426 trillion, na mas mataas ng 5.5 % kumpara sa inilaang pondo sa taong 2017, upang mas mapaigting ang mga programa ng gobyerno para sa edukasyon, kalusugan, social security, social welfare, at employment safety nets para sa paglinang ng kakayahan ng mamamayan, na siyang pangunahing yaman ng bansa. Batid ng Duterte Administration na kailangan mag-invest para sa human capital development na susi upang lalong umunlad pa ang kabuhayan ng mga mamamayan at ang ekonomiya ng bansa.
Ang ikalawang sektor na may pinakamalaking budget ay ang economic services na may nakalaang P1.154 trillion pondo para sa iba’t ibang infrastructure at agriculture development. Sa ilalim ng Build Build Build Program ng Duterte Administrasyon, bibigyang prayoridad ang pagtatayo ng mga pampublikong imprastraktura upang makaakit ng mga foreign investors, mapaganda ang daloy ng transportasyon, at makalikha ng maraming trabaho. Isusulong din ang mga proyektong pang-agrikultura sa mga nasa probinsya at ang agrarian reform para sa mga magsasaka.
Pinaglaanan naman ang general public services ng P655.4 billion (13.9 % increase) kung saan kabilang ang public order at general administration services para sa mas maayos na operasyon ng mga ahensya ng gobyerno para mas mapaglingkuran ng epektibo ang mamamayan.
Ang defense naman ay binigyan ng P161.5 billion pondo, na 8.6 % ang itinaas mula ng nakaraang taon, para sa seguridad panloob at labas ng bansa.
Samantala, 370.8 billion o 5.5 %increase ang inilaan para sa pagbabayad ng mga utang ng bansa: P354 billion ang para sa debt service interest payments at 16.8 billion naman para sa net lending.
Pinakamalaking pondo para sa DepEd at DPWH
Pagdating sa breakdown kada ahensya, ang Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang sangay na binigyan ng pinakamalaking budget.
Mandato ng Konstitusyon na paglaanan ng pinakamataas ang sektor ng edukasyon. Sa 2018 National Budget, ito ay makatatanggap ng P672.4 billion na pondo para sa iba’t ibang programa tulad ng scholarships, grants, at subsidies. Ang DepEd ay may P533.3 billion budget, P62.1 billion para sa State Universities and Colleges, P49.4 billion sa Commission on Higher Education (CHED), at ang Technical Education and Skills Development Authority ay may P7.6 billion na alokasyon.
Dahil seryoso rin ang Duterte Administration na makapagtayo ng mga imprastrakturang kailangan ng bansa tulad ng mga tulay at kalsada, ang Department of Public Works and Highways binigyan ng alokasyon na P637.9 billion, na katumbas ng 40.3 percent increase sa budget ng nakaraang taon. Kabilang din sa paglalaanan ng budget ang pagtatayo ng flood control systems upang mabawasan ang pinsalang dulot ng mga pagbaha na dala ng malalakas na ulan bunsod ng climate change.
Ang Department of Interior and Local Government naman ang pangatlong may pinakamataas na budget na P170.8 billion, 15.4 % increase. Sinundan ito ng Department of Health na may P167 billion, o 12.3 % increase, kasama na dito ang alokasyon para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), para sa mga programang tutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan, lalo na ng mga mahihirap.
Ang Department of National Defense naman ay binigyan ng 149.7 billion pondo (9.1 % increase) para sa mapaigting ang kakayahan ng kasundaluhan sa pamamagitan ng sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program.
Para sa Department of Social Welfare and Development ang P141.8 billion pondong pangtustos sa iba’t ibang social protection programs nito.
Ito naman ang inilaang budget para sa mga sumusunod na ahensya: Department of Transportation (P66.3 billion), Deparment of Agriculture (P53.5 billion), Autonomous Region in Muslim Mindanao (P33.1 billion), Department of Environment and Natural Resources (P24.9 billion).
Hindi mapapako ang mga pangako ng Pangulo
Sinisiguro rin sa 2018 National Budget na matutupad ang mga pangako ni Pangulong Duterte sa mamamayan na libreng serbisyo, libreng edukasyon, dagdag sahod, at tulong sa mga biktima ng trahedya.
Sa pagpasa ng batas na Universal Access to Tertiary Education o Free Tuition Fee Law (Republic Act 10931), siniguro na ang mga estudyante sa mga state universities and colleges, local universities and colleges, at technical-vocational institutions ay wala nang babayaran pang tuition fee , miscellaneous fee, at iba pang bayarin sa eskwelahan. Naglaan na ang pamahalaan ng P40 billion para dito na kasama sa budget ng CHED para sa mga estudyanteng mag-eenroll sa School Year 2018-2019. Dahil dito, inaasahan na mas marami ang magkakaroon ng access sa mas mataas na edukasyon, na daan tungo sa mas magandang kinabukasan.
Wala na rin atrasan ang pagtataas ng sahod ng mga Military and Uniformed Personnel. Simula Enero ng 2018, tataas ang base pay ng 58.7 % ng lahat ng ranggo. Naglaan para dito ang gobyerno ng P64.2 billion na kukunin sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund at iba pang budget allotments ng mga ahensiyang may kinalaman.
Hindi na rin dapat pang mamroblema ang mga magsasaka sa bayad ng patubig sa kanilang mga bukirin dahil sinagot na ng pamahalaan ang naturang serbisyo. Nasa P2 billion ang subsidiyang inilaan ng gobyerno para sa Irrigation Service Fee, na kabilang sa P41.7 billion pondong inilaan para sa National Irrigation Administration. Magsasaayos at magtatayo rin ng mga modernong irrigation systems sa bansa ang naturang ahensya.
Samantala, kasama sa 2018 National budget ang P10 billion pondo para muling ibangon ang Marawi City, na kabilang sa National Disaster Risk Reduction Fund. Nakalaan ang nasabing pondo para pagtatayo ng mga imprastraktura, proyektong pabahay, serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at tulong pangkabuhayan para sa mga biktima ng bakbakan sa naturang lungsod.