Secretary Duque bumisita sa mga biktima ng leptospirosis
Ni: Jonnalyn Cortez
Patuloy na tumataas ang bilang ng may leptospirosis o yung sakit na nakukuha sa ihi ng daga dahil na rin sa sunud-sunod na pag-ulan at malawakang pagbaha. Kamakailan lang, nagdeklara na ng leptospirosis outbreak ang Department of Health (DOH) sa ilang lugar sa Metro Manila.
Ayon sa isang sistematikong pagsusuri na inilathala sa “Epidemiology and Infection” noong 2012, isa ang leptospirosis sa pinaka-karaniwang sakit na nakukuha kaugnay sa panahon. At dahil nagsimula na nga ang panahon ng tag-ulan, mas mataas ang tyansang marami ang mabiktima nito.
Ano nga ba ang leptospirosis?
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang leptospirosis ay isang uri ng bacterial infection na nagmumula sa ihi ng daga. Apektado ng sakit na ito ang buong mundo, ngunit mas laganap ito sa rehiyong may tropikal at subtropikong klima. Maging ang mga hayop ay maaaring magkaroon ng ganitong uri ng sakit.
Dahil na rin sa mga naninirahang daga sa ating kapaligiran, malaki ang banta ng pagkakaroon ng leptospirosis kapag nagbaha. Sa oras na lumusob sa baha ang isang tao na may bukas na sugat o galos sa balat at magkaroon ng direktang kontak sa kontaminadong tubig, maaari itong madapuan ng ganitong uri ng sakit.
Maaari rin itong makuha mula sa ihi ng hayop na may kaparehong sakit na magkakaroon ng kontak sa mucous membranes ng mata, ilong, at bibig. Bukod sa baha, nakukuha rin ang leptospirosis sa lupang kontaminado ng ganitong karamdaman.
Mga palatandaan at sintomas
Makikita ang mga palatandaan at sintomas ng leptospirosis sa loob ng lima hanggang 14 na araw pagkatapos makakuha ang biktima ng ganitong uri ng impeksyon. Maaari ring lumabas ang mga senyales sa loob ng dalawa hanggang 30 araw.
Ilan sa mga sintomas nito ay mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, sakit ng ulo, namumulang mata, panginginig, pagsusuka, pagtatae, at pamamantal. Kadalasang na naihahalintulad ang mga sintomas ng leptospirosis sa ibang mga pangkaraniwang sakit tuwing tag-ulan tulad ng dengue, typhoid, at viral hepatitis.
Ayon naman sa Center for Disease Control and Prevention, maaaring mabilis na magkaroon agad ng leptospirosis pagkatapos lamang magkaroong ng kontak sa sakit na ito. Maaari ring makaramdam ng ilang sintomas ng sabay sabay.
Bunsod nito, mahalagang maagang makita at magamot ang karamdaman na ito upang maiwasan ang mala-lang komplikasyon. Sa katunayan, matapos ang unang antas ng hindi nagamot na karamdaman, lalabas uli ang mga ganitong uri ng sintomas, ngunit mas malala at maaaring nakamamatay.
Ilan nga sa mga palatandaang malala na ang sakit ay ang paninilaw ng kulay ng balat at mata dahil na rin sa kidney failure, makutim na kulay ng ihi, mapusyaw na kulay ng dumi, madalang na pag-ihi, matinding sakit ng ulo, liver failure, at meningitis.
Dahil dito, pinapayuhang magpatingin agad sa doktor ang sinomang makakaranas ng ganitong mga uri ng sintomas. Sinabi rin ng WHO na pinakaepektibo ang pagpuksa sa sakit na ito kapag nagamot nang maaga.
Pag-iwas sa ganitong uring sakit
Lubhang mapanganib na magkaroon ng leptospirosis ang mga taong nagtatrabaho sa sakahan, tindahan ng mga hayop, mga pagawaan ng karne, mga manggagawa sa agrikultura, at syempre pa, ang mga sumuong sa baha.
Upang maiwasan ang ganitong uri ng sakit, pinapayo ng WHO at DOH na iwasang sumuong sa baha o magsuot ng bota, guwantes, at mask kung kinakailangan talagang lumusob dito. Siguraduhin ding maghugas o maligo pagkatapos lumusob sa tubig baha. Hugasan at linisin ding mabuti ang mga sugat lalo na sa paa at hita.
Panatilihin ding malinis ang kapaligiran at gumamit ng bitag at lason para sa daga upang mapuksa ang mga ito. Uminom lamang ng malinis na tubig at gumamit ng iba pang uri ng transportasyon upang maiwasan ang pagsuong sa baha.
Pag-iwas sa self-medication
Matinding pinaaalalahanan naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga Pilipino na iwasang mag self-medicate kapag nakaramdam na ng mga sintomas ng leptospirosis. Ito ang kanyang sinabi sa kanyang pagbisita sa mga pasyente na may ganitong uri ng sakit sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City.
“Let us not self medicate because we are talking about a prescription antibiotic here,” anito. Dagdag pa niya, kinakailangan pa umanong suriin ng mga doktor kung kinakailangan uminom ng antibyotiko upang gamutin ang mga pasyenteng may ganitong inpeksyon.
Ginagamot ang leptospirosis sa pamamgitan ng pag-inom ng antibyotiko na kailangang maibigay sa unang sintomas pa lamang ng sakit, ayon sa WHO. Kinakailangan naman nang mas matinding gamutan ang mga may malubhang kaso nito upang gamutin ang mga komplikasyon.
Mahigpit na tinututulan ng DOH ang basta-bastang pag-inom ng antibyotiko ng walang reseta dahil maaari itong maging sanhi ng pagiging “anti-microbial resistant” ng katawan at pagkapinsala ng internal organs.
Tanging mga doctor lamang ang makapagbibigay ng tamang dami at bilang ng gamot na prophylaxis na kailangang inumin ng pasyente depende na rin sa antas ng pagkakaroon ng ganitong sakit na nakadepende rin sa kung gaano kalala ito.
Sa kabilang dako, sinang-ayunan naman ni Philippine Society for Microbiology and Infectious Disease diplomate na si Dr. Daisy Tagarda ang mga sinabi ni Duque. Anito, mas mabuting kumonsulta sa isang doktor bago gumawa ng sariling medikasyon upang gamutin ang leptospirosis.
“The most effective prevention of leptospirosis is avoidance of exposure. But if we don’t have a choice, we can take prophylaxis to decrease the chances of incidences,” anito.025
Dagdag pa niya, hindi nila ipinapayo ang ganitong uri ng gamot sa mga may allergic reactions, buntis, at mga batang pasyente. “It can cause yellowish or discoloration of the teeth of children and even of the baby in the womb,” paliwanag ni Tagarda.
Sa karagdagan, pinayuhan naman ni National Kidney and Transplant Institute (NKTI) deputy director for medical education and research na si Romina Danguilan ang publiko na agad humingi ng tulong sa mga lokal na health centers ng DOH kung kinakailangan.
Handa naman ngayon ang NKTI na tanggapin ang dumaraming biktima ng leptospirosis. Sa katunayan, pansamantala na nitong ginawang ward ang gym ng ospital at nagdagdag ng mga hemodialysis machines para sa mga pasyente.
Ngayon lamang buwan ng Hulyo, maaari ng makakuha ng “coverage package” na nagkakahalaga ng P11,000 ang mga miyembro ng PhilHealth para sa may mga pangkaraniwang antas hanggang malalang kaso ng leptospirosis.