Alam mo ba kung paano nagkakaroon ng ‘dry skin?’
Mainit man o malamig ang panahon, hindi pa rin maiiwasan ang pagkakaroon ng ‘natutuyot’ na balat o tinatawag na ‘dry skin.’ Ilan sa posibleng pagkakaroon nito ay ang simpleng hindi pag-inom ng tubig, madalas na pag-e-exfoliate o pagkuskos sa balat, pagkalantad sa init at madalas na pagkain ng maaalat.
Kaya, narito ang ilang tips upang maiwasan ang ‘dry skin’ sa pang- araw-araw nating pamumuhay.
Ayon kay “Pinoy MD” resident dermatologist Dr. Jean Marquez, ang paggamit ng sabong panlaba, lalo na sa paliligo ay malakas maka-dry ng skin dahil sa taglay nitong mga kemikal, gayundin ang sanitizers at alkohol na kapag inulit-ulit at sumobra sa paggamit.
“Kapag sobrang tuyo, malaki ang possibility na mag-crack ang skin at magsugat,” paliwanag ni Dr. Marquez.
Dahil sa sobra ring pagkuskos sa balat, puwede itong maging sanhi ng pagkatuklap ng upper layer ng balat dahilan para mag-evaporate ang natural oils na nagsisilbing moisture nito. Kapag wala ito, dito nagsisimulang manuyo ang balat.
Para masolusyonan ito, nagbigay ng ilang payo si Dr. Marquez:
- Ugaliing magpahid ng lotion sa balat.
- Siguraduhing hypoallergenic ang lotion na gagamitin o ‘yung walang taglay na matatapang na kemikal.
- Panatilihing hydrated ang iyong katawan. Uminom ng walong basong tubig o higit pa kada-araw.
- Makatutulong din ang pag-inom ng vitamin B supplements upang magkaroon ng healthy-looking skin.
Para sa natural na paraan upang maging moisturized ang balat, maaaring paghaluin ang gata, kinayod na laman ng niyog at red rice para maging scrub. Marahan itong ipahid sa balat nang ilang minuto para maalis ang dead skin cells.
Puwede ring gamitin bilang moisturizer ang asukal. Paghaluin lang ang tatlong kutsarang asukal at coconut oil. Kapag malapot na ang mixture na ito, ikuskos sa balat at saka banlawan.
Ang ‘dry skin’ ay hindi dapat ipagwalambahala. Sa simpleng tips na mga ito, siguradong ang ‘dry skin’ mo ay simpleng bagay na lang sa iyo.
Magkaroon lang ng tamang kaalaman, ang buhay mo ay gagaan.