Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Pangulong Duterte sa pagpasok ng taong 2018, pormal na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buwan ng Enero bilang ‘National Bible Month’ bilang pagkilala ng estado sa pagiging likas na relihiyoso ng mga Pilipino at sa impluwensiya ng relihiyon sa ating lipunan.
Sa ilalim ng Proclamation Number 124, na pinirmahan ng pangulo kamakailan, taunang gugunitain ng bansa ang National Bible Month tuwing Enero at National Bible Week naman sa huling linggo ng naturang buwan.
Ang hakbangin ay alinsunod sa 1987 Constitution na humihimok sa pamahalaan na suportahan ang anumang gawaing ikagaganda ng moralidad at espirituwalidad ng mga Pilipino, at batid ni Pangulong Duterte ang kapangyarihan ng ‘Banal na Kasulatan’ sa paghubog ng mga nasabing aspeto sa buhay ng tao kaya naman nararapat lamang na pagtuunan ng panahon na pag-aralan ang Banal na Kasulatan.
“History bears witness to the profound impact of the Bible on the life of nations, and how it has moved and inspired many people, including statesmen and social reformers, to work for the betterment of their fellow human beings even at great cost to themselves,” nakasaad sa proklamasyon ng pangulo.
Nilinaw din naman ni Pangulong Duterte na sa kabila ng kanyang proklamasyon ay mananatiling neutral ang pamahalaan sa pakikitungo nito sa lahat ng religious communities sa bansa.
Matatandaan na noong Disyembre, 2016 ay iminungkahi ni Senador Manny Pacquiao sa ipinasa niyang Senate Bill 1270 ang pagkakaroon ng “National Bible Day” na regular holiday sa ating bansa tuwing huling Lunes ng Enero bilang pagkilala sa kahalagahan ng Biblia, na pangunahing saligan ng pananampalataya ng mga Kristiyano, na bumubuo ng 93 percent ng populasyon ng bansa. Ang Pilipinas ang may pinakamalaking Christian population sa Asia-Pacific region at ang ika-5 sa mga bansang may pinakamalaking Christian population sa buong mundo.
Ibinabahagi ng isang lalaki ang isang kwento sa Biblia sa mga street children. Pamamahagi ng mga children’s books ng mga kwentong hango sa Biblia ng Philippine Bible Society
Ang kasaysayan at halaga ng National Bible Month
Nagsimula ang paggunita ng Pilipinas sa isang nationwide Bible celebration noong 1982 sa bisa ng Proclamation No. 2242 ng Pangulong Ferdinand E. Marcos na nagtakda sa unang Linggo ng Advent at huling linggo ng Nobyembre kada taon bilang National Bible Sunday at National Bible Week. Noong 1986, iniurong naman ng Proclamation No. 44 ng Pangulong Corazon C. Aquino ang National Bible Week sa Enero, na lalong pinagtibay ng Proclamation No. 1067 ng sumunod na Pangulong Fidel V. Ramos.
Dahil sa mga nasabing proklamasyon, kada taon ay nagtitipon-tipon ang iba’t ibang mga sekta ng relihiyon para mga aktibidad nito tulad ng parada, pamimigay ng mga kopya ng Biblia sa publiko, at mga religious rally na naghahayag ng mga tema ng celebration.
Tuwing Bible week, sume-sentro ang mga sermon ng mga religious groups sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos na makapagbago sa buhay ng isang tao at sa mga katotohanang nakasaad sa bawa’t pahina ng Biblia na nagbibigay ng pag-asa at lakas ng loob sa mga panahon ng pagkadapa at pagsubok. At ‘di na mabilang ang mga nagbigay ng patotoo sa milagrong nagawa sa kanilang buhay ng Salita ng Diyos—paggaling mula sa isang mabigat na karamdaman, pagtigil sa mga masasamang bisyo at ilegal na gawain, paghanap ng lunas sa isang suliraning pinapasan, at muling pagbuo sa nasirang pamilya.
Ang tema ng National Bible Month ngayong 2018, ayon sa Philippine Bible Society, ay “Ang Biblia ang Sandigan ng Matuwid na Pamumuno at Pamumuhay”, alinsunod sa nakasulat sa aklat ni San Marcos 10:42-44:
“Kaya’t tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga kinikilalang pinuno ng mga Hentil ay silang pinapanginoon nila at ang mga dakila sa kanila ang nasusunod sa kanila. Subalit hindi dapat ganyan sa inyo. Sa halip, ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo; at ang sinumang nais maging una ay kailangang maging alipin ng lahat.”
Gaano nga ba kalawak ang impluwensiya ng Biblia?
Sa loob ng maraming panahon, marami nang mga aklat na ang nailimbag patungkol sa mga alituntunin para sa maayos at matagumpay na pamumuhay pero wala pa ring katulad ang Biblia pagdating sa lawak ng impluwensiya nito.
Ayon sa Guinness Book of World Records, ang Biblia ang bestselling book of all time. Mula noong taong 1815 ay 2.5 bilyong kopya nito ang naibenta at isinalin sa mahigit 2,200 na mga lengguahe at dayalekto.
Bukod sa pagbibigay liwanag ng Biblia sa kaluluwa; nagbibigay din ito ng sparks of ideas na makalikha ng mga bagay na kagilagilalas. Sa katunayan, ang Biblia ang naging inspirasyon ng maraming artists noon at ngayon.
Ang mga nobelang nagkaroon ng matinding impact sa literature ay mayroong impluwensya ng Banal na Kasulatan, gaya ng American classic literatures na The Song of Solomon ni Toni Morrison, Moby Dick ni Herman Melville, Uncle Tom’s Cabin ni Harriet Beecher Stowe, at The Scarlet Letter ni Nathaniel Hawthorne.
Maging ang ating Pambansang Bayaning si Dr. Jose Rizal ay naimpluwensyahan din ng Biblia sa pagsusulat niya ng kaniyang mga dakilang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Kung babasahin ang kaniyang Liham para sa mga Kadalagahan sa Malolos, mapapansin na talagang binasang buo at isinapuso’t isip ni Rizal ang Biblia.
Ang ilang mga paintings ng mga dakilang pintor na sina Leonardo Da Vinci, Michael Angelo, at William Blake, na nakadisplay sa iba’t ibang museo sa Europa, ay inspirado din ng Biblia.
Ang Biblia ay ang naging batayan din ng mga manunulat ng mga blockbuster na mga pelikulang The Ten Commandments, The Lord of the Rings, The Matrix, The Exorcist, Passion of the Christ, Bruce Almighty, at Evan Almighty, na patuloy na ginagigiliwan ng mga manonood hanggang ngayon.
Higit sa lahat, ang Biblia ang naging saligan ng maraming lipunan sa pagtatag ng kanilang moral codes, kabilang dito ang Estados Unidos, kung saan malaking bahagi din ng populasyon ang nagbabasa ng Biblia. Sa katunayan, sa Banal na Kasulatan ibinatay ng US ang mga probisyon sa kanilang saligang batas dahil naniniwala ang mga sinaunang lider nito, tulad ni Thomas Jefferson, na epektibo ang mga alituntuning nakasaad sa Biblia upang maayos na mapatakbo ang isang bansa.
“I have always said, I always will say, that the studious perusal of the sacred volume will make better citizens, better fathers, and better husbands,” wika ni Thomas Jefferson, ikatlong United States president.