ABRIL 17 nitong nakaraang taon nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang isang bagong batas—ang Philippine Innovation Act of 2019 o Republic Act 11293 (PIA 2019).
Wala pang dalawang linggo, noong Pebrero 7, may kagalakang ipinahayag naman ng mga opisyal ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Trade and Industry (DTI), at ang Department of Science and Technology (DOST) na kanilang nilagdaan ang mga patakaran at regulasyon sa pagpapatupad o implementing rules and regulations (IRR) ng nasabing batas noong Biyernes ng nakaraang linggo sa Pasig City.
Isang batas sa inobasyon?
Narito ang isang payak na kahulugan ng inobasyon — ang inobasyon ay hinggil sa paglikha ng mas mahusay na mga bagay o produkto, o ang pagkakaroon ng mga mas maayos na pamamaraan ng paggawa o mga proseso ng pagseserbisyo. Sa madaling salita, hinggil ito sa mga mainam na pagbabago o mga pagbabagong magpapalago sa kabuhayan ng isang pamayanan.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, bago ang seremonya ng paglalagda sa punong tanggapan ng NEDA, ang bagong batas ay isang pagkilala sa kahalagahan ng pagbabago upang pasiglahin pa ang ekonomiya. Wika niya, “Ang mga nakababatang henerasyon ay dapat maging interesado sa kalidad ng ating ekonomiya at lipunan.”
Binigyang diin ni Pernia na ang Pilipinas ay nasa ika-54 sa 2019 Global Innovation Index; pag-angat ng 19 notches mula sa dati nitong ranggo noong 2018 ayon sa isang panukat ng kakayanang magpausbong at magtulak ng inobasyon.
Tinitignan ng pamahalaan ang PIA 2019 na magpapahusay pa sa teknolohikal na kakayanan ng bansa. Para nga kay DTI Secretary Ramon Lopez, makapagpapalakas sa iba’t ibang mga industriya na mayroon tayo ang bagong IRR ng batas.
Ayon naman kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, ang pagpapatupad ng batas ay pamumunuan ng isang National Innovation Council (NIC) na itatatag upang magsilbing advisory at coordinating body sa pagbabalangkas at pagsubaybay sa mga layunin ng pambansang inobasyon. Ang nasabing Konseho ay pamumunuan ng Pangulo, at ang vice chairman ay ang direktor ng NEDA.
Kung babasahin ang batas at IRR nito, malinaw na makikita ang pagkiling ng mga ito sa makabuluhang pagbabago.
Una, mas nililinaw nito ang mga prayoridad ng pamahalaan. Halimbawa, sa listahan nito ng mga prayoridad ng mga sektor na dapat asikasuhin, nangunguna ang agrikultura, pangingisda o pamamalakaya, at edukasyon.
Ikalawa, malinaw ang pagpabor nito sa interes ng mga pinakamahihirap sa bansa sa paggamit ng katagang “poorest of the poor.” Kaugnay nito, nakapokus din ang batas sa pagtulong sa mga MSME o micro, small, at medium enterprises. Isang malinaw na pagkiling sa maliliit na negosyo.
Ikatlo, nakakaasa ito na palaganapin nang husto ang kaalaman ng mga pamayanan hinggil sa inobasyon, upang mapalakas ang partisipasyon nila sa usaping ito, lalo na kaugnay sa koordinasyon ng mga gawain ng ahensiya ng pambansang pamahalaan at ng mga lokal na pamahalaan.
Para naman masiguro ang lahat ng ito at mapatupad ang batas at IRR, may ilalaang panimulang pondo na isang bilyong piso para sa pambansang inobasyon. Magiging revolving fund ito na maaring lumago pa taun-taon.
Magandang balita ito para ating lahat.