Ni: Joyce P. Condat
Nagsampa ng kaso ang Rubiks Brand Limited sa Duncan Toys at Toys “R” Us bunsod sa pangongopya at pagbebenta umano nito sa pinakatanyag nilang produkto, ang Rubik’s cube. Umapela ang Rubiks sa korte ng US na ipatigil ang pagbebenta ng diumano’y kinopyang laruan.
Ayon sa reklamo, ginaya umano ng Duncan Toys ang itsura ng Rubik’s cube at pinalitan lamang ang ilang detalye tulad ng puting borders nito sa halip na itim. Iniba rin nila ng bahagya ang hugis at kulay nito na naging dahilan ng pagkalito ng mga mamimili.
Mabibili ang 3×3 Quick Cube ng Duncan sa website ng Toys “R” Us sa halagang $4.99. Mas mura ang presyo nito kumpara sa orihinal na Rubik’s cube na nagkakahalaga ng $15.99.
Humihingi ang Rubiks ng kabayaran sa umano’y paglabag ng Duncan at Toys “R” Us sa trademark nito.
Pinabulaanan naman ni Duncan spokesman Mike Burke ang mga alegasyon ng Rubiks. Ayon sa kanya, walang patunay ang Rubik’s sa mga isinampa nitong reklamo.
Sumikat ang Rubik’s cube mula nang magsimula itong ibenta sa US noong 1980. Inimbento ito ng Hungarian architecture professor na si Erno Rubik noong 1974. Ayon sa isinampang reklamo, umabot na ang benta ng laruang ito ng mahigit sa 100 milyon sa buong mundo.