ADMAR VILANDO
INIIMBESTIGAHAN na rin ng Philippine National Police (PNP) ang isyu patungkol sa mga mag-aaral na nawawala matapos umano’y ma-recruit ng makakaliwang grupo na Anakbayan.
Sa ekslusibong panayam ng DZAR Sonshine Radio kay PNP spokesperson Brigadier General Bernard Banac, sinabi nito na inaalam na nila ang kinaroonan ng mga nawawalang mag-aaral.
“Ang Philippine National Police po ay tumutulong na ngayon sa pag-iimbestiga ng whereabouts kung saan man naroroon itong mga anak ng magulang na ito na nawawala… at kung makita po natin na mayroon pong paglabag sa batas dito ay maaring makasuhan po ng kidnapping or abuse of our minors dahil mga kabataan pa ito 16, 17 so opo yan po ang mga edad nito,” pahayag ni Banac.
Sinabi ni Banac na sa ngayon ay lalo pa nilang paiigtingin ang presensya ng mga pulis sa mga campuses.
“Sa ngayon ay lalo pa nating paiigtingin ang ating presensiya sa mga campuses sa pakikipag-ugnayan na rin natin sa kanilang mga school administrators and school officials kailangan lang po na magkaroon ng pagkakataon na makapagbigay din tayo ng ating mga pahayag para po mabalanse naman yung ating freedom of education, freedom of learning and freedom of speech,”aniya pa.
Kamakailan nang magsagawa ng pagdinig ang Senado sa problema ng mga magulang na nagrereklamo sa pagkawala kanilang mga anak at mapabilang sa mga makakaliwang grupo na nagsusulong ng pag-aaklas sa gobyerno.