Ni: Edmund S. Gallanosa
SUMMER na, at panahon na muli ng galaan at pagtuklas ng magagandang lugar upang makapaglibang at higit sa lahat, makapagbabad sa tubig. Kalimutan muna ang Boracay, bisitahin ang ilang lugar sa Pilipinas at tumuklas ng ilang hiwagang nababalot sa mga lugar na aming babanggitin. Hindi lamang magaganda ang mga lugar, kakaiba rin at tunay nga naman na kakasabikang makabalik sa mga lugar na ito. Ika nga, kawili-wiling ulit-ulitin ang pagpasyal dito.
Ang Sohoton Cove ng Surigao del Norte
Isang napakagandang lagoon na ang hiwaga ay hindi nababalot sa mga kwentong kababalaghan, bagkus isang scientific mystery ang nangyayari sa lugar na ito. Ang Sohoton Cove ay isang paliguan na punong-puno ng dikya, o jellyfish. Hindi lamang pangilan-ngilan kundi libu-libo ang nakatira dito. Subalit relax lamang kayo, dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan, walang stinging cells ang mga dikya dito na nakakasakit sa tao, o nakamamatay sa ilang nilalang sa lugar—tunay na nakamamangha. Kung ‘swimming with the jellyfishes a la Marlin’ (ama ni Nemo) ang nais ninyong maranasan, Surigao del Norte ang inyong puntahan, sa Sohoton Cove.
Islas de Gigantes ng Iloilo
May ilang grupo ng mga isla malapit sa dalampasigan ng Carles at sa bayan ng Estancia ang tinatawag na Islas de Gigantes. Napakaganda ng mga islang ito na nababalot ng magagandang rock formation at napapalibutan ng serye ng mga yungib. Ang lagoon lamang ay kinagigiliwan nang languyan subalit hindi maalis sa isip ng mga tao rito na noong panahon ng mga Kastila, isa sa mga yungib dito ay nakitaan ng buto ng tao na mala-higante ang laki. Kaya tinawag ang lugar ng isla ng mga higante.
Maging maingat lamang sa pagligo rito, sa paglibot-libot sa lugar at huwag masyadong gagawa ng ingay, sapagkat pinamumugaran diumano ang lugar ng mga engkanto at laman-lupa na maaaring maistorbo kapag pumasyal dito.
Lake Holon ng South Cotabato
Sa loob ng kabundukan ng isang matandang bulkan, ang Mt. Parker kung saan ay matatagpuan ang Lake Holon ng T’boli. Para sa mga katutubong nakatira sa paligid, sagrado ang lawang ito. Sa kanilang paniniwala, isang kaharian ng kakaibang nilalang ang nakatira sa kailaliman ng lawa, na pinamumunuan ng isang matandang hari—si Tud Bulol. Bilang pagbigay ng respeto, nakaugalian ng mga taga-roon at mga nasasabihang dayo na mag-alay ng barya sa tubig bago pa man maglangoy sa nasabing lawa. Napakaganda ng tanawin dito, lalo na kung tatanawin ang lawa mula sa nakapaligid na bundok dito, talagang masasabing ‘enchanted’ ang lugar—idagdag mo pa ang misteryong nakabalot sa lawang ito. Kapag may pagkakataon makasalamuha ang mga katutubo sa lugar, maaari ninyong alamin ang hinggil kay haring Tud Bulol at ang mahiwagang kaharian ng Lake Holon.
Bojo River ng Cebu
Ayon sa mga Cebuano, isa sa ‘must visit’ ang Bojo River at sumubok ng kanilang pinagmamalaking river tour. Ito ang 100% ‘nature trip’ sa kabuuan ng ilog na napapaligiran ng makapal na bakawan at hitik sa laman-tubig na nilalang tulad ng alimango at mga isda. Ang ilog ay pinamamahalaan ng Bojo Aloguinsan Ecotourism Association (BAETAS), at sigurado na ang pagtangkilik sa kanilang eco-river tour ay malaki ang maitutulong sa adhikain nilang mapanatili ang ganda ng kanilang lugar.
Pumaroon lamang sa siyudad ng Toledo, at sumakay ng jeepney papunta sa bayan ng Aloguinsan. Maliban sa kanilang river tour, maaari ka pang makapagswimming sa nasabing lugar. Ang breathtaking view mula sa pagsakay sa bangka na magdadala sa inyo sa kahabaan ng ilog ay tatagos papalabas sa Tañon Strait.
Hinatuan Enchanted River ng Surigao del Sur
Angkop na angkop ang tawag na ‘enchanted river’ sa Hinatuan sapagkat animo’y bahay ito ng engkanto–sa ganda at hiwaga. Makatindig balahibo ang tanawin dito, kung saan napakalinaw ng tubig na azul. Subalit mahiwaga dahil tubig-alat ang dumadaloy dito, imbis na tabang. Marami ang nagsasabi na ang tubig ay nagmumula sa dagat, dumadaloy sa ila-lim ng lupa subalit walang makapagsabi kung ito nga ay tiyak sapagkat wala pang nakakaalam kung gaano nga ito kalalim. Sa mga taga-roon, paniwala nila na gawa ito ng mga ‘nilalang’ sa gubat, at may pangyayari sa lugar na hindi nila maipaliwanag. Tulad ng paminsan-minsang paglitaw ng isang malaking isda na hindi mahuli-huli. At sa katanghalian, paaahunin ang lahat ng lumalalangoy dito sapagkat maglilitawan ang maraming isda upang mangagsikain sa ibabaw ng tubig. Ilan lang ito sa kaganapan sa Hinatuan Enchanted River at sigurado namang nakakasabik matunghayan.
Lake Cayangan ng Palawan
Matatagpuan sa isla ng Coron sa Palawan, hindi makukumpleto ang listahan ng mga magandang paglanguyan ngayong summer, ‘pag wala ang Cayangan Lake. Isang paraisong maituturing at isa sa pinaka-magandang lugar sa Palawan, kakaiba ang karanasan kung makakalangoy sa lawang ito. Malamig, malalim ang lawa, subalit napakalinaw, at sa iyong pagsisid ay matatanaw ang ilang naglalakihang katawan ng mga puno na nakahimlay na sa ilalim nito. Ang Cayangan Lake ay nasa loob ng isang mala-bundok ng isla, at kakailanganing akyatin ang matarik na bundok upang marating ang lawa. Subalit siguradong hindi kayo mabibigo dahil sa angking kagandahan nito. Sulit ika nga ang pagtungo rito.