Ni: Jun Samson
Libu-libong mga pekeng biktima umano ng Martial Law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang sasampahan ng kaso sa korte ng HRVCB o Human Rights Victims Claims Board. Sila iyung ilan sa mga naghahabol sa P10-B na kompensasyon na inilipat ng Swiss Bank sa Pilipinas.
Sinabi ni Retired General Lina Sarmiento, pinuno ng HRVCB na umaabot sa 75,720 na katao ang nagpakilalang sila raw ay mga biktima ng human rights violations kaya naghain sila ng claim sa binuong board. Sinabi naman ni Sarmiento na base sa kanilang pag-aaral at pagbusisi sa mga dokumentong isinumite sa HRVCB ay natuklasan na karamihan sa kanila ay hindi naman mga tunay na biktima ng sinasabing karahasan noong panahon ng batas militar ni dating Pangulong Marcos.
Tiniyak naman ni Sarmiento na bago magsara ang HRVCB sa May 12, 2018 ay maisusumite niya sa National Prosecution Service ng Department of Justice ang records ng mga pekeng claimants upang makasuhan ng perjury. “Maliwanag ang patakaran na mananagot ang sinumang maghahabol na walang maisusumiteng ebidensiya na magpapatunay na biktima siya ng paglabag sa karapatang pantao, pahayag pa ni Sarmiento”.
Kapansin-pansin naman na habang tumatagal o sa pag-lipas ng mga taon ay pakonti ng pakonti ang mga personalidad at mga ordinaryong mamamayan ang dumadalo sa paggunita ng EDSA People Power Revolution Anniversary. Katunayan, nitong nagdaang Pebrero 25 ay maluwag ang bisinidad o paligid ng People Power Monument sa EDSA, hindi katulad sa mga nakaraang taon ay siksikan talaga sa EDSA dahil sa dami ng mga dumalo. Nawala na kaya ang interes ng mga Pinoy sa dating makasaysayang pangyayari? Ang katwiran siguro nila ay mas uunahin pa ba nila ang lumahok sa rally o maghanapbuhay na lang para sa kanilang pamilya? Kaugnay pa rin nito ay nanawagan ang pamunuan ng HRVCB sa mga tunay at sa mga nananahimik na biktima ng human rights violations noon na sana ay lumantad na sila upang mabigyan sila ng kaukulang suporta at pagkilala ng gobyerno.
“Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 5,121 eligible claims ang nabigyan ng partial monetary reparation o kabayaran bilang kapalit sa mga dapat sana nilang kinita noong panahon na iyon at ito ay may kabuuang halagang P362-M kung saan ang mga claimants na nailathala na ang kanilang pangalan noong Disyembre 14, 2017 ay makatatanggap na ng full monetary reparation pagkatapos maproseso ng board ang kanilang claims, dagdag ni Sarmiento. Kailan naman kaya matatapos ang proseso at kailan matatanggap ng mga tunay na biktima o mga beneficiaries ang kanilang reparation o compensation? Huwag naman sana umabot sa senaryong wala na sila o magkatotoo ang kasabihang “aanhin pa ang damo, kung wala na ang kabayo?” Ibigay na iyan para pakinabangan pa ng mga lehitimong benepisyaryo.