Ni: Edmund C. Gallanosa
Isang magandang balita para sa mga guro natin ang mabigyan ng pagkakataong makapagturo sa bansang Tsina. Naging pangunahing agenda sa pagkikita ng liderato ng Pilipinas at Tsina ang mapagkasunduan at mapirmahan ang bilateral agreement na magsusulong ng magandang relasyon sa dalawang bansa, lalo na sa pagtutulungan sa ikauunlad ng mga nasasakupan nilang mga mamamayan.
Tampok sa pagkakasundong ito ang paglalagda ng isang kasunduang magpapadala ng mga karagdagang Filipino English teachers sa Tsina. Seryoso ang Chinese government na maging English proficient ang mga mamamayan nito upang makasabay sa daloy ng mabilis na pag-asenso sa buong mundo, at ang salitang Ingles ang ikinukunsidera na ‘international language.”
Malaking karangalan sa bansa
Sa pagkakataong ito, masasabi nating malaking karangalan para sa ating bansa ang makilala ng ating mga kapitbahay sa Asya bilang ‘premier English-speaking Asian country’ na may kakayanang makapagturo ng salitang Ingles.
Base nga sa pangyayari noong nakalipas na ilang araw, hindi lamang mabibilang sa daliri ang kinakailangang Filipino English teachers ng Tsina, kung hindi libu-libo ang pinag-uusapan ng magkabilang panig. Dalawang libong Filipino teachers, ang paunang kinakailangan ng ating kapitbahay na inaasahan namang tutugunan ng ating bansa kaya puspusan ang ginagawang paghahanda ngayon ng ilang ahensya ng gobyerno at mga pribadong kumpanya na tulungang maging handa sa sinumang kababayan nating nais mag-apply bilang isang English-proficient teacher.
TSINA BILANG ALTERNATIVE DESTINATION
Sa pagpasok pa lamang ng taon sinabi na ng Pangulong Rodrigo Duterte na ang Tsina ay ikinukunsidera niya bilang ‘alternative destination for overseas Filipino workers.’ Unang-una, pabor sa mga OFWs natin kung Tsina ang magiging alternative destination sapagkat nasa Asya lamang ito at hindi gugugol ng malaki ang ating mga kababayan pagdating sa pamasahe. Ikalawa, hindi nalalayo ang kultura ng mga Intsik sa atin bilang isang Asian country din kumpara sa malaking pagkakaiba ng kultura ng mga bansang nasa Middle East. Ikatlo, sapagkat mismo ang presidente ay nakita niyang next ‘Asian dragon’ ang Tsina sa bilis ng kanilang economic development at ang masidhing kagustuhan ng mga Intsik na maging kapantay ng mga developed countries tulad ng Estados Unidos, Japan at United Kingdom. Nais nilang maalis ang ‘language barrier’ sa pagitan ng kanilang mga mamamayan at ng buong mundo.
Ang pagiging kulelat sa pagsasalita o pag-intindi ng salitang Ingles ay malaking balakid sa sinomang bansang nais lumaban ng sabayan sa pandaigdigang merkado—at ito ang nais na mabago ng bansang China.
Kaya naman sa kanilang paghahanap ng makakatuwang nakita nila ang kakayahan ng mga Pilipino.
Pabor ba sa ating mga kababayan ang ganitong alok? Siyempre naman, dahil binibigyan ang ating mga kababayan ng dagdag na pagkakataong kumita nang disente at malaki sa nakasanayang kinikita ng isang guro sa ating bansa.
Malaking Sahod
Tinatayang tatanggap ang isang English teacher sa Tsina ng sahod mula $1,200 hanggang $1,500 kada buwan. Sa kasalukuyang palitan ng dolyares at piso, nasa halagang P62,400 hanggang P78,000 ang maaaring sahurin kada buwan.
Mula sa kasunduang 2,000 English teachers na pangangailangan sa mga darating na buwan, aabot pa hanggang 10,000 guro ang kakailanganin, ayon na rin kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Magandang balita ito para sa ating mga kababayan, higit sa lahat, sa mga pumili ng karera sa pagtuturo. Kung passion ninyo ang magbahagi ng karunungan sa iba, at magkaroon ng karanasang makapagturo sa ibang bansa, huwag balewalain ang pagkakataong ito.
SIGURIDAD NG MGA TEACHERS
Sa kabila ng magandang alok, ibayong pag-iintindi sa nilalaman ng kasunduan ang dapat mangingibabaw sa sinumang may planong dumayo at makipagsapalaran.
Ika nga ni Principal I at teacher Eugenio Sierra ng Dela Paz National High School, sa Lungsod ng Antipolo, kung employment ng ating mga teachers ang pag-uusapan, pabor ito dahil marami ang unemployed at under-employed na kapwa nila guro. Kung sahod naman ang pag-uusapan, at kayang pantayan ang alok ng mga bansa tulad ng sa US at sa Europe, pabor pa rin ito sa ating mga teachers.
Subalit kailangang isaalang-alang din ang kaligtasan ng ating mga guro.Kailangang siguraduhin ang kondisyon ng magandang pamumuhay ng mga kababayan nating magsisipagturo roon; kailangang plantsado ang security of tenure ng ating mga kababayan, higit sa lahat, dapat masaya sila sa pananatili roon habang nagtuturo.
Sigurado namang hindi magpapabaya ang ating gobyerno sa pamumuno ni Pangulong Duterte. Nagbitiw siya ng salita sa mga kababayan nating OFWs sa Middle East na hindi sila pababayaan ng kaniyang administrasyon, dito pa kaya sa Asya na kapitbahay lang natin? Malaki ang potensyal na gumanda pa ng gumanda ang ating relasyon sa Tsina, maging positibo lamang sa pagtanaw sa hinaharap.
Tanggalin natin ang agam-agam sa ating sarili hinggil sa relasyon natin sa Tsina. Malabong mangyari ang mga iniisip ng iba na baka balang araw, sakupin na tayo ng mga Intsik. Walang pananakop na mangyayari sapagkat andito na ang mga Intsik sa bansa natin ilang siglo na ang dumaan. Bago pa man ang panahon ng Kastila at mga Hapon, andito na sila at nangangalakal na. Namamayagpag na sila pagdating sa larangan ng pagnenegosyo. Siguro ay panahon na upang baguhin natin ang pananaw natin sa kanila.