Isang executive order ang inihahanda ng Duterte Administration para sa pagpapababa ng presyo ng pagkain, na isang pangunahing dahilan ng mataas na inflation rate sa bansa ngayon. (Larawan mula sa PCOO)
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Sa pagpalo sa 6.4 porsyento ng inflation rate, talaga namang marami nang umaaray sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin ngayon sa merkado. Sumisipa ang mga presyo pero hindi ang suweldo, na pilit na pinagkakasya ni Juan Dela Cruz upang mairaos ang pang araw-araw niyang pangangailangan at ng kanyang pamilya.
‘Ika nga ng kasabihan, Kapag maikli ang kumot, matututong mamaluktot. Ngunit marami na ang hindi lang namamaluktot, nanginginig pa dahil sa napipilitang matulog na kumakalam ang sikmura.
Nguni’t kung tatanungin ang Malacañang, ang pagtaas ng inflation ay hindi nangangahulugan na nangangamote na ang ekonomiya ng Pilipinas.
Giit ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, patuloy pa rin ang magandang performance ng ekonomiya ng bansa, bagay na isinasalamin umano ng pinakabagong Labor Force Survey, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
“Ang ekonomiya naman, bagama’t meron tayong problema sa inflation, ay talaga naman pong patuloy ang pag-unlad natin,” wika ni Roque, na sinundan nya ng pagpapakita ng mga numero ng naturang survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan nakasaad na pumalo ang employment rate sa bansa ng 94.6 porsyento nitong Hulyo.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ito ang pinakamataas na naitala sa buwan ng Hulyo sa nakalipas na 10 taon.
“Kung ang problema ay may inflation at tumaas ang unemployment, meron talagang problema ang ekonomiya. Pero kung ang problema ay inflation, pero bumaba ang unemployment, mas madami ang nagtatrabaho, ibig sabihin niyon, talagang malakas iyong demand na nagiging dahilan para tumaas ang presyo ng mga bilihin. So ibig sabihin, masigla pa rin ang ekonomiya,” sabi ni Roque.
HUWAG MAG-PANIC
Sang-ayon sa pananaw ni Roque ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), na nagsabing di naman dapat pang mag-panic ang publiko sa kasalukuyang inflation rate ng Pilipinas.
Wika ni PCCI Honorary Chairman Sergio Ortiz-Luis, “not very alarming” pa ang sitwasyon at masyado lamang napagtutuunan ng pansin ng publiko ang inflation dahil pinupulitika ang naturang isyu.
“We have been very much focused on the numbers in the inflation of 6.4 percent. We are forgetting that this is just weighted average of certain products. While we are concerned that there is undue increases in certain items, 6.4 percent inflation is not something that should be alarming as a number,” sabi ni Ortiz-Luis.
Pero ipinunto niya na kailangang tutukan ng administrasyong Duterte ang pagpapababa ng presyo ng pagkain.
“Let’s focus on bringing down the cost, availability of rice, of the fish, of the vegetables, of sugar, and the fuel,” sabi ni Ortiz-Luis.
Base sa pag-aaral, ang pagtaas ng presyo ng pagkain ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation rate ng Pilipinas.
Kaya, upang labanan ang epekto ng inflation, isang executive order (EO) ang kasalukuyang binabalangkas ng Duterte administration na magtatanggal ng mga non-tarrif barriers at administrative constraints sa pag-angkat ng isda, bigas, karne, asukal, at gulay.
Ayon kay Roque, gagawing mas simple ng naturang EO ang pag-angkat ng pagkain, na inaasahang magdudulot ng pagbaba ng mga presyo nito sa merkado.
Siniguro rin ni Roque na sapat ang suplay ng bigas sa bansa at ikakalat na sa mga pamilihan ang 4.6 milyong sako ng murang bigas ng National Food Authority, kaya makakaasa ang publiko na bababa na ang presyo ng bigas sa mga susunod na araw.
SUGAR IMPORTATION: LABAN O BAWI?
Iminungkahi naman ni PCCI Agriculture Committee Chair Roberto Amores na kailangang pag-aralan ng gobyerno ang mga polisiya na hindi na nakatutulong sa development agenda nito. Dagdag niya, kinausap ng PCCI ang Department of Agriculture at ang Sugar Regulatory Administration na payagan na ang pag-angkat ng asukal para sa mga domestic processors upang maibsan ang pagtaas ng presyo nito at matulungan ang mga maliliit na namumuhunan sa bansa.
“There are approximately 4,000 to 5,000 domestic food processors using sugar as ingredient, who are part of the more than 50 percent, micro, small, and medium enterprises, and benefitting 50 million to 60 million consumers and stakeholders that would take the brunt of high cost of sugar made products compared to the 50,000 to 60,000 farmers, which can be given alternative source by shifting to high-value crop production,” paliwanag ni Amores.
Pero kontra sa mungkahi na ito ang Negros Occidental Federation of Farmers Association dahil hindi magiging maganda ang epekto ng pag-angkat ng asukal sa mga magsasaka, na ngayon pa lang nakaka-bangon sa pagkalugi ng industriya sa nakalipas na dalawang taon.
“This plan to allow open importation of sugar will depress sugar prices again and we may not be able to survive another crisis,” ayon kay Enrique Tayo, chairman ng grupo.
Kaya nananawagan si Tayo sa mga economic managers ng bansa na konsultahin muna ang mga magsasaka.
PISO, RERESBAK!
Tila tabak na may dalawang talim naman ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar. Mas mataas na halaga ng remittances ang dulot nito para sa mga overseas Filipino workers at may positibong dulot din sa export industry. Subalit pagtaas din naman ng presyo ng mga produktong inaangkat mula sa ibang bansa ang epekto nito, kasama na dyan ang langis, na kapag gumalaw, lahat ay apektado.
Kamakailan nga ay tumaas ang presyo ng tinapay at sinisi ito sa paghina ng piso kontra dolyar, na nagdulot ng pagmahal ng mga sangkap na imported.
Itinuturong dahilan ng Department of Finance (DOF) ay ang epekto ng trade war sa pagitan ng mga pinakamalalaking ekonomiya sa mundo at ang crisis sa pagitan ng Turkey at Argentina, na naapektohan din ang ibang mga currencies ng mundo.
Ayon sa economic bulletin ng DOF, nasa 7.39 porsyento ang ibinagsak ng piso kontra US dollar. Pumangatlo rin ang Philippine Peso sa listahan ng mga fastest growing economies sa Asya na bumaba ang currencies. Una ang Indian rupee (11.7 porsyento), na sinundan ng Indonesia rupia (9 porsyento).
Pero para di dapat umano masyadong pangambahan ang paghina ng piso, na kasalukuyang naglalaro ang halaga ng piso sa P53-54 kada isang US dollar.
Sa kabila nito, tiwala ang mga financial manager ng bansa na di magtatagal at malalampasan din ng piso ang hamon na ito.
“Maintaining good macroeconomic policies, thru manageable fiscal and BOP (balance of payment) balances, and adopting economic reforms thru tax reforms (is) still the best way to sustain growth and investment and, at the same time, steel the economy from external economic shocks,” ayon sa DOF bulletin.