SOUTH Korea nagpasok ng tone-toneladang basura sa bansa.
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAMI ang nagulat nang lumabas ang balita tungkol sa tone-toneladang basura na ibinababa sa seaport ng Tagoloan, Misamis Oriental mula sa South Korea noong nakaraang taon.
Nananatiling palaisipan sa maraming Pilipino kung bakit binabagsakan ng mga banyagang bayan ng santambak na basura ang ating bansa na para bang ito ay isang malaking dump site.
Matatandaang nagpasok din ng basura ang Canada dito sa Pilipinas na hanggang ngayon ay nakatambak pa rin sa ating lupain.
Ayon sa mga ulat, dumating sa Mindanao International Container Terminal noong Hulyo 2018 ang ang barko mula South Korea na puno ng basura. Base sa mga dokumentong hawak ng mga Customs officials, ang Koreanong kompanya na Verde Soko Philippines Industrial Corporation ang consignee ng mga kargamento.
Idineklarang “plastic synthetic flakes” ang laman ng naturang kargada, ngunit 5,100 na tonelada ng basura ang nakita rito. Sinasabi ng kumpanya na mali ang naideklarang nilalaman nito at raw materials daw para sa paggawa ng furniture, pero hindi naman maipaliwanag ng kinatawan nito kung paano ito nangyari.
Sinabi naman ni MICT Port Collector John Simon na kung ang idineklarang laman ng padala ay plastic flakes, dapat lamang na plastic flakes ang makikita rito at wala ng iba. Subalit, ilan sa mga natagpuang nilalaman nito ay mga plastic waste, iba’t-ibang materyales katulad ng kahoy at metal waste na pare-parehong hindi dumaan sa tamang proseso ng pagre-recyle.
ECOWASTE Coalition hiniling ang pagbabalik ng basura mula sa South Korea sa kanilang bansa.
RE-EXPORTATION AT ANG PANGAKO NG SOUTH KOREA
Ipinangako ng South Korea na kukunin nitong muli ang tone-toneladang basura na ipinasok sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng gobyerno nito na magsasagawa sila ng mga hakbang upang mabalik ang mga nasabing basura sa kanilang bansa sa lalong madaling panahon.
“The Ministry of Environment on November 21 initiated legal procedure to have the wastes in question in the Philippines be brought back in accordance with Article 20 of the Law on Cross-border Movement and Disposal of Wastes – Prior Notice of Repatriation Order – and embarked on investigation of the violation of Article 18-2 of the said law – False Export Declaration,” dagdag pa nito.
Ayon sa isang opisyal ng BOC, mga 6,500 na tonelada ng basura ang ibabalik sa Pyeongtaek City. Nagkakahalaga naman ng $47,430 o P2,493,869.40 ang gagawing re-exportation.
“We expect the 51 garbage-filled containers stored at MICT to be homebound by January 9 provided that all regulatory requirements are readily available,” wika ni Simon sa joint news conference ng BOC at EcoWaste Coalition.
“Their expedited re-export is what BOC wants and this is what our people are yearning for,” dagdag ito.
Gayunpaman, siniguro ni Simon na ginagawa nila ang lahat ng dapat ayusin upang matiyak na ang lahat ng basura na nakatambak sa Verde Soko compound sa Barangay Santa Cruz sa Tagoloan ay maibabalik sa pinagmulan nitong bansa ngayong buwan.
Alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act, Republic Act 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act, at ang Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal ang gagawing re-exportation.
Binaba ang desisyon na ibalik ang mga naturang basura isang linggo matapos ang bilateral meeting sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at South Korea sa Tagoloan.
Merong higit na 35 na kalahok ang nasabing pulong, kabilang ang isang delegasyon na binubuo ng apat na katao mula sa South Korea na pinamumunuan ni Lee Jong Min mula sa Ministry of Environment.
HALIMBAWA ng basura na itinambak ng South Korea sa bansa.
VERDE SOKO, MAHAHARAP SA PAGLILITIS
Ibinunyag ni Environment Undersecretary Benny Antiporda na ang consignee ng kargamento na Verde Soko ay walang sapat na permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang mag-import ng materyales na ito sa bansa.
Sa ilalim ng patakaran ng departamento, kinakailangang makakuha ang mga nakarehistrong importer ng import clearance mula sa environment department ng hindi bababa sa 30 araw bago ganapin ang importasyon. Meron hawak na tamang permit ang pagpasok ng basura mula sa Canada.
Sinabi rin ni Antiporda na hindi rehistrado ang naturang kumpanya bilang importer ng mga recyclable materials.
Dagdag naman ni Misamis Oriental Rep. Juliette Uy, nakatakdang magsagawa ng paglilitis ang House of Representatives ukol sa pagbabagsak ng Verde Soko ng foreign wastes sa bansa.
Kailangan umanong humarap ang kumpanya sa provincial government ng Misamis Oriental, DENR at the Phividec Industrial Estate Authority para sa lahat ng posibleng paglabag sa environmental and business operation laws kaugnay sa importasyon ng basura.
IMPORTASYON NG BASURA, INSULTO SA DIGNIDAD NG BANSA
Hindi ito ang unang pagkakataon na may nagbagsak ng basura sa ating bansa.
Noong 2013, matatandaang nag-import ng 50 container ng basura mula Canada ang kumpanyang Chronic Plastics Inc. na nakabase sa Valenzuela City.
Katulad ng kargamento mula sa South Korea, mali rin ang idineklara nitong laman ng kargada na sinasabing recyclable materials.
Nagdulot naman ito ng matinding takot sa mga environment groups sa paniniwalang maaaring naglalaman ito ng mga toxic materials. Mahigit sa kalahati o 29 na containers na ang naitapon sa dump site sa isang landfill sa Tarlac.
Noong 2017 naman, tinawag ng BOC ang atensyon ng isang South Korean shipper na kunin ang iniwan nitong 5,000 metriko tonelada ng pinaghihinalaan ding basura na tinambak sa Mandaue City sa Cebu.
Iprinotesta ng mga environment groups ang pagbabagsak ng basura sa mga daungan sa Pilipinas, lalo na nga pagkatapos magdala ng basura ang Canada sa bansa.
Kinondena naman ni Senator Aquilino Pimentel III ang mga pagbabagsak ng basura na ito sa Pilipinas. Hihingi rin diumano ito ng update ukol sa mga waste materials galing sa Canada.
“As far as I’m aware, as of January 2018, the matter has yet to be resolved. The Canadian Prime Minister promised to resolve the matter when he went here for the 31st ASEAN Summit in November 2017. There’s been no follow through ever since. We need immediate and concrete action on this,” pahayag nito.
Sinang-ayunan naman ito ni Uy at sinabing kinakailangang bisitahin muli ang isyu ng mga basurang nagmula sa Canada pagkatapos masolusyunan ang problema sa South Korea.
“The lessons learned from this Verde Soko case should be applied to the Canada garbage case whenever relevant. There is also the need to have the Department of Foreign Affairs follow-up with Canada on the legal and legislative actions they should have taken by now,” pahayag nito.
Binigyan-diin naman ni Pimentel na hindi “dumping ground” ng kahit sino man ang bansa.
“The Philippines should assert its dignity and co-equal standing as a sovereign state in the community of nations. We should not be seen as a recipient, officially or unofficially, of waste material coming from other countries,” aniya.
Nanawagan naman si Aileen Lucero, EcoWaste Coalition National Coordinator, ng pagpapatibay ng mga mahigpit na patakaran upang mapigilan ang pag-ulit ng mga ganitong pangyayari, kabilang na ang crackdown sa pag-import ng mga plastik na basura.
“We need to act decisively to protect our country from turning into a global dump for plastics and other wastes that China no longer wants,” wika nito.