MATAPOS ipatigil ng Pangulong Duterte ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa talamak na katiwalian, naghain ng resolusyon ang isang kongresista upang busisiin ang P8.3 Billion deal Philippine Lottery System (PLS) project nito.
Sa inihaing House Resolution No. 359, nais ni Ang Probinsiyano Partylist Rep. Ronnie Ong na imbestigahan ng Kongreso ang mga kontratang pinasok ng PCSO, partikular na rito ang tinatawag na Equipment Lease Agreements (ELAs) nito sa mga kumpanyang Philippine Gaming Management Corporation na nasa ilalim ng Berjaya Corporation ng Malaysia (PGMC/Berjaya) at ng Pacific Online Systems Corporation (Pacific Online).
Nais paimbestigahan ng Kongresista ang patuloy na transaksyon ng PCSO sa nabanggit na kumpanya sa kabila ng pananamantala na naganap lalo na ang isyu sa overpricing.
“The whole point of this resolution is to protect the people’s money. Ultimately po na kawawa dito ay ang ating mga urban poor at mga indigent na probinsyano na umaasa sa mga health programs at pondo ng Ang Probinsyano,” pahayag ni Ong.
Ayon kay Ong, isang napakalaking misteryo kung bakit sa loob ng 24 na taon ay patuloy na hawak ng PGMC/Berjaya at Pacific Online ang ELA ng PCSO para sa National Online Lottery System (NOLS) sa kabila ng mga napatunayang panloloko nito.
Sa huli, umaasa ang kongresista na kasalukuyang Vice-Chairman ng House Committee on Games and Amusements na maimbestigahan sa lalong madaling panahon ang isyu.
MJ MONDEJAR