Louie C. Montemar
Sa isang pampublikong konsultasyon ng Kagawaran ng Enerhiya na ginanap sa Subic kamakailan lamang, nagpahayag ng pagsuporta para sa mungkahing patakaran para sa Smart Grid Technology ang grupong pangkonsyumer na BK3.
Para sa BK3 (Bantay Konsyumer, Kalsada at Kuryente) makatutulong ang patakaran upang tiyakin na may ligtas, sapat, at maaasahang kuryente para sa mamamayan.
Kailangan naman talagang igiit ang mabilis at agarang tugon ng DOE at ERC para sa kapakinabangan ng mga konsyumer sa lalong madaling panahon. Sa matamang gamit, ang teknolohiyang ito ay makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at pagdami ng mga trabaho.
Sa sistemang Smart Grid, gumagamit ng Intelligent Devices o electronic at digital devices sa iba’t ibang estratehikong bahagi ng power generation at distribution system. Dahil dito, mas namomonitor ang enerhiyang dumadaloy sa kabuuang sistema pati na ang aktwal na nakokonsumo ng mga end users. Kung gayon, halimbawa na lamang, kapag nagkakaroon ng sira sa linya, mas madaling matutukoy at matutugunan ang problema. Sa pamamagitan nito ang mga customers ay makararanas ng mas maikli at kaunting brownout — maiiwasan ang abala sa mga gawain ng tao.
Higit sa lahat, aangkop ang isang sistemang Smart Grid sa paggamit natin ng mas malalaking bahagi ng likas kayang enerhiya (renewable energy) gaya ng Solar at Wind Energy. Kailangan natin ito kahapon pa! Para ito sa ating lahat.
Para naman sa aking kaibigan na si Ginoong Pet Climaco, Secretary General ng BK3 na dumalo din sa nasabing pampublikong konsultasyon: “Ang pinakapakinabang nito [Smart Grid] ay ang pagbibigay kapangyarihan sa mga customer. Sapagkat anumang impormasyong may kinalaman sa kuryente ay malalaman sa halos aktwal na oras, ang pakikipag-ugnayan sa customer ay mapapabuti lalo na kung ang pamamahala sa kuryente ay magiging posible sa loob ng kanilang bahay o gusali gamit ang Smart Meters at Smart Devices.” Para ito sa konsyumer, para sa ating lahat.