ISANG menor de edad na nahuli sa paggamit ng iligal na droga.
Ni: Beng Samson
HINDI kaila sa nakararaming mga kababayan natin ang kabi-kabilang nababalitang mga krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad. ‘Pag sinabi nating menor de edad, ito iyong mga mababa sa disiotso anyos o labing walong taong gulang.
Ang minimum age sa criminal liability ay ang pinakamababang edad kung saan ang isang tao ay maaaring sampahan ng kaso sa korte at makulong.
Sa panahon ngayon, tumataas ang bilang ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad. Kabilang dito ang theft at robbery, rape, murder, kidnapping, homicide, at iba pang mga maliliit na krimen.
Karamihan sa kabataang ito ayon sa mga awtoridad at mga nabibiktima nito ay may mga lakas ng loob gumawa ng krimen dahil sa ipinatutupad na Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na inamyendahan ng Republic Act 10630. Ayon sa batas na ito, ang isang batang may edad na labinlimang taong gulang o mas bata pa na lumabag sa batas ay ipinalalagay na walang kriminal na pananagutan subalit kailangang sumailalim sa isang intervention program.
Ang iba pa nga sa kanila ay napatunayang ginagamit ng mga sindikato at mga grupong sangkot sa pagpapalaganap at pagbebenta ng iligal na droga bilang pag-abuso sa naturang batas.
Dahil dito, isinumite ni Senate President Vicente Sotto III noong Setyembre 25 ang Senate Bill no. 2026 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, ang batas na nagbabawal sa mga batang may edad 15 at pababa na makulong.
“Not only was the law abused by criminals but the innocence of these youngsters were deliberately taken from them, (Hindi lamang ang batas ang naaabuso ng mga kriminal kundi pati ang pagiging inosente ng mga bata)”, ani Sotto kamakailan sa isang panayam.
Tinukoy pa ng senador ang video na nag-viral sa social media na nagpapakita ng pananakit ng batang 15 taong gulang sa kapwa batang menor de edad hanggang sa ito ay mamatay, at ang pagnanakaw ng mga batang lansangan sa isang tsuper ng pampasaherong jeep.
Ipinaliwanag din ng mambabatas na ang panukalang batas ay mag-aamyenda sa ilang probisyon ng umiiral na batas upang ang mga batang nasa edad na mataas sa 12 at mababa sa 18 ay sasailalim sa paglilitis, maliban kung mapatutunayang ginawa niya ang krimen ng walang pagkilala o pagkakaintindi. Sakaling magkaganoon, ang bata ay hindi papapanagutin sa batas, dagdag ni Sotto.
Mga menor de edad na nahuli sa pagamit ng iligal na droga.
Panukala, tinutulan, tinututulan
Matatandaang inihain na noong nakaraang taon sa Kongreso ang panukalang batas na naglalayong ibaba ang minimum age ng criminal liability sa siyam na taong gulang, bagay na tinutulan ng ilang Child Rights Group.
Ayon sa UNICEF Philippines, Child Rights Network at Philippine Action for Youth Offenders (PAYO), hindi maaaring ibaba ang minimum age sa criminal liability ng mga menor de edad dahil nakalagda ang Pilipinas sa United Nations Convention on the Rights of the Child.
Ibig sabihin, kinakailangang sundin ng gobyerno ng Pilipinas ang mandato na protektahan ang karapatan ng mga bata.
Taliwas din anila ito sa prinsipyo ng criminal law.
Paliwanag naman ng Psychological Association of the Philippines at Humanitarian Legal Assistance Foundation, hindi maaaring ibaba sa siyam (9) na taong gulang ang minimun age sa criminal liability dahil hindi pa ganap ang pag-unlad ng mga bata.
Bagamat masasabi anila na may kakayahan na silang matukoy kung ano ang tama at mali ngunit kulang pa rin ang kanilang kapasidad dahil sa murang edad ay hindi pa nila ganap na makita ang pangmatagalang epekto ng kanilang mga desisyon.
Batay sa tala ng Philippine National Police (PNP), siyamnapu’t-walong porsyento ng mga naitalang krimen sa Pilipinas mula 2006 hanggang 2012 ay gawa ng mga matatanda.
Dalawang porsyento lamang ng kabuuang bilang ng krimen ang kinasasangkutan ng mga bata na kung minsan ay ginagamit pa ng mga sindikato.
Dahil dito, ang dapat daw na hulihin ay ang mga sindikatong nambibiktima ng mga bata.
Global child rights group kay Sotto: ‘You are wildly wrong’
Tinututulan din ng Child’s Rights International Network (CRIN), isang global advocacy group, ang mungkahi ni Sotto.
“We reject in the strongest terms this proposal, which will serve only to criminalize more children and will do nothing to address the underlying reasons that children become involved in crime, (Tinututulan namin ang mungkahing ito, hindi ito makareresolba kung bakit nasasangkot ang mga bata sa mga krimen)”, ayon sa CRIN sa isang panayam.
Idinagdag pa ng grupo na mas dapat pagtuunan ng pansin ang mga may sapat na gulang na humihikayat sa mga bata na gumawa ng krimen at sila ang dapat na kasuhan.
Iginiit ng grupo na dapat i-dismiss ng Senado ang mungkahing ito ng senador sapagkat hindi anila ito ang solusyon para sa pagbaba ng krimeng kinasasangkutan ng mga bata.
Tinukoy din ng mambabatas na ang minimum age o pinakabatang edad sa Asya at Africa na dapat nang papanagutin sa batas ay 11, samantalang sa Estados Unidos at Europe ay 13.