Ni: Cresilyn Catarong
APATNAPUNG (40) informal settler families (IFS) sa Estero de Magdalena sa Tondo, Maynila ang inisyal na nailipat ngayong araw sa Trece Martires, Cavite.
Ito ayon kay, Jose Antonio Goitia, Executive Director ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) habang ang natitirang animnapung (60) pamilya ay nakatakdang i-relocate sa July 10.
Iginiit naman ni Goitia na medyo nahihirapan sila noong una na kumbinsihin ang mga IFS kaugnay ng relokasyon.
Ayon kay Darwin Ibay, Kapitan ng Brgy 259, District 2 sa Tondo, Maynila, matagal ng nais ng mga naturang IFS na mailipat bunsod ng sitwasyon nila lalo na kapag panahon ng tag-ulan.
Medyo nanibago man, ay natutuwa pa rin ang ilang informal settlers dahil sa wakas ay magkakaroon na sila ng sariling bahay at makapamumuhay na nang maayos at ligtas.
Samantala, sinabi naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jose Garcia Jr., na posibleng matapos ang apat o limang buwan ay tuluyan nang malilinis ang Estero de Magdalena.
Dagdag pa ni Garcia, maliban sa Estero de Magdalena ay susuyurin din nila ang iba pang mga estero para linisin at pagandahin kasabay ng panawagan ng partisipasyon ng lokal na pamahalaan at komunidad.
Uumpisahan ang konstruksyon ng linear park sa kahabaan ng Estero de Magdalena oras na matanggal na ang lahat na informal settlers.
Tiniyak ng pamahalaan ang tulong na ipagkakaloob sa mga pamilya na na-relocate gaya ng livelihood programs, disaster preparedness training at suplay ng pagkain kada pamilya mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Katuwang ng PRRC sa naturang relokasyon ang local inter-agency committee ng Maynila, National Housing Authority (NHA) at MMDA.