DAPAT subukan ang ilang mga tips upang mabawasan ang sakit na idinudulot ng pagka-flat ng iyong mga paa.
Ni:Crysalie Ann Montalbo
KARANIWAN sa talampakan ng paa ng isang tao ay may kurba na tinatawag na arko na siyang nabubuo kasabay ng ating paglaki. Ngunit hindi lahat ay nabigyan ng ganitong pagkakataon. Marami na rin ang mga dumaranas ng kondisyon na tinatawag na “fallen arch” o ang pagkakaroon ng mala-plantsang talampakan.
May mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng flat feet. Ilan sa mga sumusunod ay ang: abnormalidad sa porma ng paa, pagkasira ng tendon sa paa na sumusuporta sa arko, pilay o dislocation, rayuma, sobrang timbang at diabetes.
Dapat pagtuunan ng pansin ang mga sintomas na naidudulot ng pagkakaroon ng flat na paa. Tulad na lamang ng pagkapagod ng paa sa paglalakad, pananakit ng mga talampakan, pati na rin ang pananakit ng hita at likod.
Bilang remedyos, humanap ng sapin sa paa o mga sapatos na aakma sa kondisyon ng iyong paa.
Maaaring bumili na nagtataglay ng cushioned memory foam footbed, na sumusuporta sa pagka-flat ng iyong paa at hindi masakit.
May tinatawag ring tayong orthotics, na kung saan ay dinisenyo sa mga may kondisyon na flat feet at malaking tulong ito upang mabawasan ang sakit na ibinibigay ng arko.
Hindi lang iyon, maaari ring magkaroon ng ilang ehersisyo na tutulong sa iyong mala-plantsang paa.