MJ MONDEJAR
SINABI ni dating Senador Antonio Trillanes IV na babalikan nito ang lahat ng mga nagsampa ng kaso sa kaniya kabilang na dito si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sana lang itong mga gumagawa nitong mga kasong ito ngayon, itong mga nang-aapi ay sana huwag din kayong matatakot balang-araw ha, kasi talagang hindi ko rin kayo titigilan,” ang banta ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban sa mga nagsampa sa kanya.
Si Trillanes ay humaharap ngayon sa 19 na kaso sa ilalim ng Duterte Administration kasama na dito ang kidnapping case na kinakaharap nito sa Department of Justice.
Kamakailan, nagpiyansa si Trillanes sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 138 ng P10, 000 para sa kasong conspiracy to commit sedition matapos itong ituro ni Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” na nasa likod ng pagpapakalat ng ang “Totoong Narcolist” videos na nagdadawit sa Pamilya Duterte sa iligal na droga.
Para sa dating senador, political persecution lamang ang motibo ng administrasyon sa mga kasong kinakaharap nito.
“Kumbaga, tinanggap ko na na ganito talaga mangyayari kapag tumindig ka laban sa isang diktador kagaya ni Duterte, ganito ang isa sa mga kaharapin mo,” ayon pa kay Trillanes.
Maliban sa pangulo, binanatan din ni Trillanes si Senador Bong Go at iginiit na hindi marunong ang mga ito na lumaban ng diretso.
“Well, pagbaba ng mga ito sa puwesto, eh ‘yong mga pasiga-siga na ‘yan, mark my words, magtatakbuhan ‘yan, ‘yang mga ‘yan hindi sanay sa labang diretso. Si Duterte, ‘yan sila Bong Go, ‘yan mga ‘yan pasiga-siga mga ‘yan ngayon. ‘Pag wala yan sa puwesto si Duterte mark my words hindi ‘yan haharap ng ganito,” paniniguro ni Trillanes.
Nauna nang nagpiyansa ang mga kasamang akusado ni Trillanes kabilang si Peter Jomel Advincula alyas Bikoy at sina Fathers Flaviano Villanueva at Albert Alejo.
Paulit-ulit namang sinabi ni Trillanes na wala itong kinalaman sa Bikoy videos dahil duda ito sa karakter ng testigo.
Lakas ng loob ang hiling ngayon ni Trillanes para sa kanilang lahat ng mga akusado dahil alam nito na mahaba-haba pang panahon ang kanilang igagapang sa ilalim ng administrasyon.