MELODY NUÑEZ
PINAYAGAN na ng Food and Drug Administration (FDA) ang Mekeni Food Corporation na i-distribute muli ang kanilang pork-based products sa merkado.
Kasunod ito ng isang buwan matapos i-pull out ang mga ito matapos mag-positibo ang ilan nilang product sample sa African Swine Fever (ASF).
Sa pahayag ng Mekeni, sinabi nito na Nobyembre 22 ay personal silang nagsumite at iprinisenta kay Health Secretary at FDA Officer-in-Charge Eric Domingo ang corrective actions na ginagawa ng kumpanya.
Nagsumite rin aniya sila ng mga resulta ng independent test na isinagawa ng Standard Global Services (SGS) na isang world’s leading inspection at verification company.
Matapos aniya ang masusing review sa mga dokumento at test results, binigyan na sila ng clearance ng FDA para muling i-distribute ang mga processed pork meat products na nagnegatibo sa ASF.
Sinabi ng Mekeni na ang FDA Clearance at SGS results ay nagbibigay katiyakan na ang lahat ng Mekeni pork-based products na ilalabas sa merkado maging ang kanilang pasilidad, equipment at raw meat materials ay 100% negatibo sa ASF virus DNA.
Matatandaang boluntaryong inalis ng Mekeni ang kanilang mga meat product para tumulong na maresolba ang problema sa pagkalat ng ASF sa bansa.